Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-9 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON K
1 Hari 8, 41-43
Kapag dumating ang dayuhan, pakinggan ninyo siya.
Pagbasa mula sa unang aklat ng Mga Hari
Noong mga araw na iyon, nanalangin si Solomon sa Templo at sinabi niya: "Idinadalangin ko rin ang dayuhan sa bayang ito, ang taong magmumula sa malayong lupain alang-alang sa inyong pangalan. Kilala kayo sa lahat ng dako, at marami ang nakakarinig tungkol sa kapangyarihan ninyo. Kapag ang dayuhang iya'y nagsadya sa Templong ito upang manalangin, pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong luklukan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayun, makikilala ng lahat ng tao sa lupa ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Matatalos nilang ang pangalan ninyo'y sinasamba sa Templong ito."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 116, 1.2
Ang Poo'y purihin!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa,
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng Lupa.
Tugon: Humayo't dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.
Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Tugon: Humayo't dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.
Galacia 1, 1-2. 6-10
Kung sinikap kong magbigay-lugod sa tao, hindi na sana ako naging alipin ni Kristo.
Ang pasimula ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao ni sa pamamagitan ng tao, kundi ni Hesukristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Hesus; at mula pa rin sa mga kapatid na kasama ko. Sa lahat ng mga Simbahan sa Galacia: Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tinalikdan ang Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng pag-ibig ni Kristo at bumaling kayo sa ibang mabuting balita. Ang totoo'y walang ibang mabuting balita; lamang, may mga nanliligalig sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Maging kami o isang anghel man mula sa langit ang mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang ipinangaral namin, pakasumpain siya! Sinabi na namin, at inuulit ko: kung may mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang tinanggap ninyo, pakasumpain siya! Ngayon, nangangahulugan bang ang hinahangad ko'y papuri ng tao? Hindi! Ang papuri ng Diyos ang hinahangad ko. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Kung iyan lamang ang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya't Anak n'ya ay ibinigay.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 7, 1-10
Kahit sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganitong kalaking pananalig.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nang maituro ni Hesus sa mga tao ang kanyang aral, siya'y pumasok sa Capernaum. Doo'y may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang ginagawa ni Hesus, nagpasugo siya ng ilang matatanda sa mga Judio upang ipakiusap kay Hesus na puntahan at pagalingin ang alipin. Nang makita nila si Hesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, "Siya'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa," wika nila. "Ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sinagoga." Kaya't sumama sa kanila si Hesus. Nang malapit na siya sa bahay, ipinasalubong siya ng kapitan sa kanyang mga kaibigan at ipinasabi ang ganito: "Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi ako karapat-dapat na puntahan ninyo sa aking tahanan. Ni hindi rin po ako karapatdapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita po lamang kayo at gagaling na ang aking alipin. Sapagkat ako'y isang taong nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno, at may nasasakupan din po akong mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, 'Humayo ka!' siya'y humahayo; at sa iba, 'Halika!' siya'y lumalapit; at sa aking alipin, 'Gawin mo ito!' ito'y ginagawa niya." Namangha si Hesus nang marinig ito, at humarap sa maraming taong sumusunod sa kanya. Sinabi niya, "Kahit sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananalig." Pagbabalik sa bahay, naratnan ng mga sinugo na magaling na ang alipin.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.