Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-27 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Isaias 5, 1-7
Panginoon ang nagtanim sa ubasang Israel.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ako ay aawit sa sinta kong mahal
tungkol sa nangyari sa kanyang
ubasan:
Mayroong ubasan ang sinta kong
mutya sa libis ng bundok na
lupa'y mataba;
hinukayan niya't inalisan ng bato
at saka tinamnan ang nasabing
dako;
mga piling puno ng mabuting ubas
itinanim niya sa nasabing lugar;
sa gitna'y nagtayo ng isang bantayan
at nagpahukay pa ng sadyang
pisaan.
Pagkatapos nito ay naghintay siya na
ang kanyang tanim ay
magsipamunga.
Ngunit ano ito? Pagdating ng araw
ang kanyang napitas ay ubas na
ligaw.
Kaya't kayo ngayon, taga-Jerusalem,
at gayun din kayo, mga taga-Juda,
kayo ang humatol sa aming dalawa:
Ako, at ang aking ubasan.
Ano pa ang aking nakaligtaang gawin
sa aking ubasan?
Bakit nang ako'y mamitas,
sa itinanim kong mabubuting
ubas, ang nakuha ko ay ubas na
ligaw?
Kaya't ito ngayon ang gagawin ko
sa aking ubasan:
Papatayin ko ang mga halamang
nakapaligid dito.
Wawasakin ko ang bakod nito.
Hahayaan kong ito'y mapasok at
sirain ng mga ilap na hayop.
Pababayaan ko itong lumubog sa
sukal, mabalot ng tinik at dawag;
di ko babawasin ang sanga't dahong
labis, di ko pagyayamanin ang
mga puno nito;
At pati ang ulap ay uutusan ko na
huwag magbigay ng ulan.
Ang ubasang ito'y ang bayang Israel,
at ang Panginoon naman ang
siyang nagtanim; ang mga Judiong
kanyang inaruga ang mga puno ng
ubas.
At kanyang hinintay na ito'y gumawa
ng mabuti ngunit naging
mamamatay-tao,
Inaasahang magpapairal ng
katarungan ngunit panay pang-
aapi ang ginawa.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 79, 9 at 12. 13-14. 15-16. 19-20
Mula sa Egipto,
ikaw ang naglabas ng puno ng ubas,
saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao
mo'y palayasin.
Hanggang sa ibayo,
sa ibayong dagat, ang sangang
malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't
umabot sa ilog.
Tugon: Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.
Bakit mo sinira?
Sinira ang pader, kung kaya napasok
nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong
tanim na naturan.
Mga baboy damong
nagmula sa gubat, niluluray itong
walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop pawang
nasa parang.
Tugon: Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.
Ika'y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo
kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin,
at iyong iligtas.
Lumapit ka sana
ang puno ng ubas na itinanim mo ay
iyong iligtas
yaong punong iyon na pinalago
mo't iyong pinalakas!
Tugon: Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.
At kung magkagayon,
magbabalik kami't di na magtataksil sa
'yo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang
iyong pangalan.
Kami ay ibalik,
Panginoong Diyos, at ipadama mo ang
'yong pagmamahal,
iligtas mo kami at sa iyong sinag kami
ay tanglawan.
Tugon: Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.
Filipos 4, 6-9
Isagawa ninyo ito at sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayun, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 21, 33-43
Paaalagaan niya ang ubasan sa ibang kasama.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: "Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito'y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya'y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. 'Igagalang nila ang aking anak,' wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila'y nag-usap-usap: 'Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.' Kaya't siya'y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.
"Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon?" Sumagot sila, "Lilipulin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas." Tinanong sila ni Hesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?
'Ang batong itinakwil ng mga
tagapagtayo ng bahay ang siyang
naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
at ito'y kahanga-hanga!'
Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya nang tapat."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.