Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-6 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON K
Jeremias 17, 5-8
Parurusahan ang sinumang nagtitiwala sa kanyang kapwa; ngunit maligaya ang taong nananalig sa Poon.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
"Parurusahan ko ang sinumang
tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa,
sa lakas ng mga taong may hangganan
ang buhay.
Ang katulad niya'y halamang tumubo
sa ilang,
sa lupang tigang, at sa lupang maalat
na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa
kanya.
Ngunit maligaya ang taong nananalig
sa Poon,
pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Ang katulad niya'y halamang
nakatanim sa tabi ng batisan,
ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating
ang tag-init,
sapagkat mamamalaging luntian ang
mga dahon nito,
kahit di umulan ay wala itong
aalalahanin;
patuloy pa rin itong
mamumunga."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong
masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo't
maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang
laging adhika'y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin
ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng
banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa
gabi at araw.
Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Ang katulad niya'y isang punong kahoy
sa tabing batisan.
Sariwa ang daho't laging namumunga sa
kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na
magtatagumpay.
Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa
ang kawangis,
siya'y natatangay at naipapadpad kung
hangi'y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang
s'yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay
mapapahamak.
Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
1 Corinto 15, 12. 16-20
Kung hindi muling binuhay si Kristo, walang katuturan ang inyong pananampalataya.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Kung ipinangangaral naming si Kristo'y muling nabuhay, ano't sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo. At kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo'y hindi pa nahahango sa inyong mga kasalanan, at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na nananalig kay Kristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit ang totoo, si Kristo'y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
Lucas 6, 23ab
Aleluya! Aleluya!
Magalak kayo't magdiwang
malaki ang nakalaang
gantimpala ninyong tanan.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 6, 17. 20-26
Mapalad kayong mga dukha. Sa aba ninyong mayayaman.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, bumaba si Hesus, kasama ang Labindalawa, at tumayo siya sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Tumingin si Hesus sa mga alagad, at kanyang sinabi,
"Mapalad kayong mga dukha,
sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!
"Mapalad kayong mga nagugutom ngayon,
sapagkat kayo'y bubusugin!
"Mapalad kayong mga tumatangis ngayon,
sapagkat kayo'y magagalak!
"Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo'y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito'y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit — gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
"Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan!
"Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom!
"Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!
"Sa aba ninyo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.