Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON K
Karunungan 11, 22 - 12, 2
Mahabagin ka at mahal mo ang lahat ng umiiraL
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Panginoon, sa iyong paningin,
ang buong daigdig ay para lamang
isang butil na buhangin
na di halos makatikwas ng timbangan;
para lamang isang patak ng hamog sa
umaga sa pisngi ng lupa.
Labis-labis ang kapangyarihan mo
para gawin ang anuman,
ngunit mahabagin ka sa bawat
kinapal;
pinagpapaumanhinan mo ang aming
mga pagkukulang,
at binibigyan mo kami ng panahong
makapagsisi.
Mahal mo ang lahat ng bagay,
at wala kang hinahamak sa iyong mga
nilalang.
Kung hindi gayon, ay bakit mo pa sila
nilikha?
Walang anumang bagay na mananatili
kung hindi mo kalooban,
at walang makapagpapatuloy kung
hindi mo nilalang.
Ipinahintulot mong manatili ang
bawat nilikha sapagkat bawat isa
ay sa iyo
ang lahat ng nabubuhay ay mahal mo,
Panginoon.
Ang diwa mong walang kamatayan
ay nasa kanilang lahat,
kaya unti-unti mong itinutuwid ang
mga nagkakasala.
Ipinaaalaala at binababalaan mo sila
sa kanilang mga ginawa,
upang iwanan na nila ang kanilang
masamang pamumuhay at sa iyo
sila manalig, Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 144, 1-2. 8-9. 10-11. 13kd-14
Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari,
aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang
magpasalamat,
aking pupurihi't pasasalamatan siya
araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat
magpakailanman.
Tugon: Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.
Ang Panginoong D'yos ay puspos ng
pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya'y
hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi
nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya
ay mamamalagi.
Tugon: Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.
Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang
iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't
pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang
'yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't
makapangyarihan.
Tugon: Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.
Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat
ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay
mabuting lahat.
Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na
may suliranin;
yaong inaapi'y inaalis niya sa
pagkagupiling.
Tugon: Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.
2 Tesalonica 1, 11 - 2, 2
Bigyan ninyo ng karangalan ang pangalan ng ating Panginoong Hesus at bibigyan din kayo ng kanyang karangalan.
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, lagi namin kayong isinasama sa aming mga dalangin sa Diyos na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At ipagkaloob nawa niya sa inyo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ang lahat ng mabuti ninyong hangarin at lubusin ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya. Kung magkagayon, mabibigyan ninyo ng karangalan ang pangalan ng ating Panginoong Hesus, at kayo naman ay bibigyan din ng karangalan ayon sa kagandahang loob ng Diyos at ng Panginoong Hesukristo.
Tungkol naman sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo at sa pagtitipon niya sa atin, ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na huwag kayong magugulat agad o mababahala sa balitang dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin nilang ito'y hula o pahayag, o kaya'y sulat na galing sa amin.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya't Anak n'ya'y 'binigay.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 19, 1-10
Naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo'y may isang mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo. At pinagsikapan niyang makita si Hesus upang makilala kung sino ito. Ngunit siya'y napakapandak, at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Hesus. Kaya't patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Hesus na magdaraan doon. Pagdating ni Hesus sa dakong iyon, siya'y tumingala at sinabi sa kanya, "Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo." Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," Wika nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi, "Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako'y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya." At sinabi sa kanya ni Hesus, "Ang kaligtasa'y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.