Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-23 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON K
Karunungan 9, 13-18b
Sino ang makaaalam sa kalooban ng Panginoon?
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
"Sinong tao ang makatatarok ng
kaisipan ng Diyos?
Sino ang makaaalam sa kalooban ng
Panginoon?
Kapos ang kaisipan ng tao at marupok
ang aming mga panukala.
Sapagkat ang aming kaluluwa ay
binabatak na pababa
ng aming katawang may kamatayan.
Ang aming katawang lupa ay pabigat
sa isipang punung-puno ng mga
panukala.
Nahihirapan kami para mahulaan
man lamang ang nilalaman ng
daigdig;
nahihirapan din kami upang malaman
kung ano ang mga bagay sa paligid
namin.
Sino, kung gayon, ang makauunawa
sa mga bagay na makalangit?
Walang makaaalam ng inyong
kalooban malibang bigyan mo
siya ng iyong Karunungan,
at lukuban ng inyong diwang banal
mula sa kaitaasan.
Sa ganitong paraan lamang
maiwawasto mo
ang mga tao sa matuwid na landas."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa
alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong
iniutos.
Ang sanlibong mga taon ay para bang
isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang
kisapmata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay
dumaraan.
Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Mga tao'y pumapanaw na para mong
winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa
panaginip.
Parang damong tumutubo, na may
taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay
nalalagas.
Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami'y maikli lang
na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay
dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa,
Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na
naghihirap sa ngayon?
Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Kung umaga'y ipadama yaong wagas
mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami'y may galak
ang aming awit.
Panginoon naming Diyos, kami sana'y
pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang
aming gawin!
Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Filemon 9b-10. 12-17
Tanggapin mo siya hindi na bilang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Filemon
Pinakamamahal ko, akong si Pablo, sugo ni Kristo Hesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya, ang nakikiusap sa iyo tungkol kay Onesimo, na naakit ko sa pananampalataya samantalang ako'y naririto sa bilangguan.
Pinababalik ko siya sa iyo, at para ko nang ipinadala sa iyo ang aking puso. Ibig ko sanang panatilihin siya sa aking piling, upang, sa halip mo, siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nabibilanggo dahil sa Mabuting Balita. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang hindi maging sapiiitan kundi kusa ang pagtulong mo sa akin.
Marahil, nawalay sa iyo nang kaunting panahon si Onesimo upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon — hindi na bilang alipin kundi isang minamahal na kapatid. Mahal siya sa akin, ngunit talo na sa iyo - hindi lamang bilang isang alipin kundi isang kapatid pa sa Panginoon!
Kaya't kung inaari mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 118, 135
Aleluya! Aleluya!
Poon, iyong pasikatin
kagandahan ng loobin
ng kabutihan mo sa 'min.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 14, 25-33
Hindi maaaring maging alagadko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos siya'y kukutyain ng lahat ng makakikita nito. Sasabihin nila: 'Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.' O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.