Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-19 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON K
Karunungan 18, 6-9
Ang pagpaparusa mo sa aming mga kaaway ay siyang pantawag mo sa amin sa kaluwalhatian.
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Ang mangyayari sa gabing yaon ay
ipinagpauna mong sabihin sa
aming mga ninuno,
upang magalak sila sa kaganapan
ng iyong mga pangako sa kanila.
Alam ng iyong bayan na ililigtas mo
ang mga matuwid at parurusahan
ang kanilang mga kaaway.
Ang paraang ginamit mo sa pagpapa-
rusa sa aming mga kaaway
ay siya mo ring ginamit na pantawag
sa amin,
upang kami'y bahaginan mo ng iyong
kaluwalhatian.
Ang mga tapat na anak ng mabuting
bayang ito'y lihim na
naghahandog.
Nagkaisa silang sumunod sa mga
utos ng Diyos at magsama sa hirap
at ginhawa.
Noon pa'y inaawit na nila ang
matatandang awit na ito ng
papuri.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 32, 1 at 12. 18-19. 20 at 22
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
Mapalad ang bansang ang Poon ang
Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Tugon: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D'yos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
Tugon: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D'yos.
Ang ating pag-asa'y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa'y sa 'YO nasasalig!
Tugon: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D'yos.
Hebreo 11, 1-2. 8-19
Hinihintay niyang maitatag ang lungsod na itatayo ng Diyos.
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya.
Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya'y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon. Dahil din sa kanyang pananalig, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos, habang hinihintay niyang maitatag ang lungsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang nangako. Kaya't sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.
Silang lahat ay namatay na may pananalig sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula malayo. Kinilala nilang sila'y dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinakikilala ng mga taong nagsasalita nang gayon na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung ang naaalaala nila'y ang lupaing pinanggalingan nila, may pagkakataon pang makabalik sila roon. Ngunit ang hinahangad nila'y isang lungsod na lalong mabuti, yaong nasa langit. Kaya't hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y maging Diyos nila, sapagkat ipinaghanda niya sila ng isang lungsod. At nang subukin ng Diyos si Abraham, pananalig din ang nag-udyok sa kanya na ihandog si Isaac bilang hain sa Diyos. Handa niyang ihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniniwala siyang muling mabubuhay ng Diyos si Isaac. At sa patalinghagang pangungusap, nabalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Tayo ay laging magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 12, 32-48
Maging handa kayo.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo'y walang makakalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tanga. Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan ay naroon din naman ang inyong puso.
"Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma'y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan."
Itinanong ni Pedro, "Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?" Tumugon ang Panginoon, "Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambahayan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon? Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayon pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sabihin sa sarili ng aliping iyon, 'Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,' at simulan niyang bugbugin ang ibang aliping lalaki at babae, at kumain, uminom, at maglasing, darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng panginoon, at isasama sa mga di-tapat.
" At ang aliping nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit hindi naghanda ni sumunod sa kalooban nito ay tatanggap ng mabigat na parusa. Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang na parusa. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.