Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-18 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON K
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23
Anumang gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng kabiguan at sakit ng kalooban.
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral
Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay, sinabi ng Mangangaral.
Lahat ng ginawa ng tao'y pinamuhunanan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay maiiwan lamang sa susunod sa kanya. Ito ma'y walang kabuluhan. Anuman ang gawin ng tao ay nagdudulot ng kabiguan at sakit ng kalooban. Anumang gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa
alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong
iniutos.
Ang sanlibong mga taon ay para bang
isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-
mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay
dumaraan.
Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Mga tao'y pumapanaw na para mong
winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa
panaginip.
Parang damong tumutubo, na may
taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay
nalalagas.
Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami'y maikli lang
na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay
dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa,
Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na
naghihirap sa ngayon?
Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Kung umaga'y ipadama yaong wagas
mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami'y may galak
ang aming awit.
Panginoon naming Diyos, kami sana'y
pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang
aming gawin!
Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Colosas 3, 1-5. 9-11
Ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid, binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya't ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo'y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya'y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.
Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan. Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ng mga gawa nito at nagbihis na ng bagong pagkatao. Patuloy itong nababago ayon sa larawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang maging ganap ang inyong kaalaman tungkol sa kanya. Kaya't wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Kay Kristo, walang pagkakaiba ang lahat at siya'y sumasalahat.
Ang Salita ng Diyos.
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D'yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 12, 13-21
Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, "Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana." Sumagot siya, "Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?" At sinabi niya sa kanilang lahat: "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan." At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinghagang ito: "Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya't nasabi niya sa sarili, 'Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya't mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!' Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, 'Hangal! Sa gabing ito'y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?' Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.