Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA - TAON K
Isaias 43, 16-21
Ako'y mayroong bagong gagawin para may mainom ang mga hirang kong giliw.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi
ng Panginoon, na s'yang gumawa ng
landas,
upang may maraanan sa gitna ng
dagat.
Sa kapangyarihan n'ya
ay kanyang nilupig ang malaking
hukbo.
Nilipol niya ang kanilang mga kabayo.
At ang mga karwahe'y winasak,
sila'y nangabuwal at di' na
nakabangon.
Parang isang ilaw,
na namatay ang ningas.
Ito ang sabi niya:
"Ang mga nangyari no'ng unang
panahon,
ilibing sa limot, limutin na ngayon,
Narito, at masdan
ang nagawa ko'y isang bagong bagay
na hanggang sa ngayo'y di mo
namamasdan.
Ako'y magbubukas
ng isang landasin sa gitna ng ilang,
maging ang disyerto ay patutubigan.
Ako'y igagalang
niyong mga hayop na pawang mailap,
gaya ng avestrus at ng asong-gubat;
ang dahilan nito,
sa disyerto ako'y nagpabukal
ng saganang tubig
para may mainom ang aking hinirang
sila'y nilalang ko
at aking hinirang, upang ako'y
kanilang papurihan!"
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6
Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion
ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya'y parang
isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang
nagsiawit.
Tugon: Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid
sa paligid,
"Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila,
anong rikit!"
Dakila ngang masasabi, pambihira ang
ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka'y di
kawasa!
Tugon: Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
Kung paanong inuulan yaong mga
tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay
ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na
may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya't
natutuwa.
Tugon: Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
Yaong mga nagsihayong dala'y binhi't
nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani
pagbalik!
Tugon: Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa.
Filipos 3, 8-14
Ang lahat ng bagay ay' ipinalalagay kong walang kabuluhan makamtan ko lamang si Kristo.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid:
Inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan makamtan ko lamang si Kristo, at lubos na makiisa sa kanya. Hindi ko na hangad na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pananalig kay Kristo. Ang pagiging matuwid ko ngayon ay kaloob ng Diyos batay sa pananampalataya. Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Kristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, makihati sa kanyang mga hirap, at matulad sa kanya — pati sa kanyang kamatayan — sa pag-asang ako ma'y muling bubuhayin.
Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na, ngunit sinisikap kong maisakatuparan ang layunin ni Kristo Hesus nang tawagin niya ako. Mga kapatid, hindi ko ipinalalagay na natupad ko na ang mga bagay na ito. Ang ginagawa ko ngayo'y nililimot ang nakaraan at sinisikap na makamtan ang nasa hinaharap. Nagpapatuloy nga ako tungo sa hangganan upang kamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang buhay na hahantong sa langit.
Ang Salita ng Diyos.
Joel 2, 12-13
Magsisi tayong mataos
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D'yos
sa kanya tayo'y dumulog
at manumbalik na lubos.
Juan 8, 1-11
Sinumang walang kasalanan sa inyo ang siyang maunang sa kanya'y bumato.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha'y nagbalik siya sa templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya't umupo siya at sila'y tinuruan. Noo'y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid. Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, "Guro, ang babaing ito'y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga gaya niya. Ano ang masasabi mo?" Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya't sila'y tiningnan niya at sinabi ang ganito, "Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila ito, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda, Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya. Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: "Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?" "Wala po, Ginoo," sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.