Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA - TAON K
Exodo 3, 1-8a. 13-15
Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga.
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, si Moises ang nag-aalaga sa kawan ng biyenan niyang si Jetro. Minsan, itinaboy niya ang kawan pabagtas ng disyerto at nakarating siya sa Horeb, sa Bundok ng Diyos. Doon ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kanya, parang ningas sa gitna ng isang mababang punong-kahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ito ngunit hindi nasusunog. Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, "Kataka-taka ito! Tingnan ko ngang mabuti kung bakit di nasusunog gayung nagliliyab."
Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ng Panginoon buhat sa nagliliyab na punongkahoy, "Moises, Moises."
"Ano po iyon?" sagot niya.
Sinabi ng Diyos, "Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na dako ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga magulang — nina Abraham, Isaac at Jacob." Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha pagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.
Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap nilang tinitiis at narinig ko ang kanilang daing. Kaya, bumaba ako upang sila'y iligtas, ialis sa Egipto at ihatid sa lupaing mayaman, malawak at sagana sa lahat ng bagay.
Sinabi ni Moises, "Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?"
Sinabi ng Diyos, "Ako'y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ng Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Ito rin ang pag-alala sa akin ng lahat ng salinlahi."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 11
Panginoo'y papurihan, purihin mo,
kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo
sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay
papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang
kabutihan.
Tugon: Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang
nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot
niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay
inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't
habag.
Tugon: Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.
Panginoo'y humahatol, ang gawad ay
katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang
karapatan.
Ang balangkas niya't utos kay Moises
ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y
nasaksihan ng Israel.
Tugon: Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong
Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig
nama'y lubos.
Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y
hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may
takot sa kanya.
Tugon: Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.
1 Corinto 10, 1-6. 10-12
Ang nangyari kay Moises at sa mga tao sa ilang ay isinulat bilang babala sa atin.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ibig kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno na sumunod kay Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay, at tumawid sa Dagat na Pula. Sa gayun, nabinyagan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal at uminom din ng iisang inuming espirituwal, mula sa Batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang Batong iyon ay si Kristo. Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat sa ilang ang kanilang mga buto.
Ang mga nangyaring ito'y babaia sa atin upang huwag tayong magnasa ng mga masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol sila ng Anghel na Mamumuksa.
Nangyari ito sa kanila bilang babala sa iba, at nasulat upang turuan tayong mga inabot ng huling panahon.
Kaya nga, mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, baka siya mabuwal.
Ang Salita ng Diyos.
Mateo 4, 17
Sinabi ng Poong mahal:
"Kasalanan ay talikdan
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D'yos na Maykapal."
Lucas 13, 1-9
Kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak kayong lahat.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, "Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe — sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat."
Sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: "May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung maybunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya't sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, 'Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!' Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, 'Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!"'
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.