Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY - TAON K
Mga Gawa 14, 21b-27
Tinipon nila ang Simbahan at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Nagbalik sina Pablo at Bernabe sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia ng Pisidia. Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya. "Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos," turo nila sa kanila. Sa bawat Simbahan, humirang sila ng matatandang mamamahala, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
Tinahak nila ang Pisidia, at nakarating ng Panfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila nagsimula ng gawaing ginanap nila matapos silang itagubilin sa pagkakalinga ng Diyos.
Pagdating doon, tinipon nila ang mga kaanib ng Simbahan at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang daan upang makapanampalataya ang mga Hentil.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab
Ang Panginoong D'yos ay puspos ng
pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya'y
hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi
nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya
ay mamamalagi.
Tugon: Diyos ko at aking Hari pupurihin kitang lagi.
Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang
iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't
pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang
'yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't
makapangyarihan.
Tugon: Diyos ko at aking Hari pupurihin kitang lagi.
Dakila mong gawa'y upang matalastas
ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng
paghahari mo.
Ang paghahari mo'y sadyang walang
hanggan, hindi magbabago.
Tugon: Diyos ko at aking Hari pupurihin kitang lagi.
Pahayag 21, 1-5a
Papahirin ng Diyos ang kanilang mga luha.
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay nakakita ng isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa; wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, bumababang galing sa langit buhat sa Diyos, gaya ng babaing ikakasal, gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, "Ngayon, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Makakapiling nila nang palagian ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang kanilang mga luha. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay." Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!"
Ang Salita ng Diyos.
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
Juan 13, 31-33a. 34-35
Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo!
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Pagkaalis ni Judas mula sa Huling Hapunan, sinabi ni Hesus, "Ngayo'y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo'y mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.