Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKATLONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY - TAON K
Mga Gawa 5, 27b-32. 40b-41
Sa ginanap ni Hesukristo saksi kami at ang Espiritu Santo,
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Ang mga Apostol ay siniyasat ng pinakapunong saserdote. "Mahigpit naming ipinagbawal sa inyo ang pangangaral sa pangalan ng Hesus na iyan," wika niya, "ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong aral at ibig pa ninyo kaming panagutin sa pagkamatay ng taong iyan!" Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, "Ang Diyos ang dapat naming sundin, hindi ang tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Hesus na pinatay ninyo nang inyong ipabitay sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataon ang mga Israelita na magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at sa gayon, sila'y patawarin. Saksi kami sa mga bagay na ito — kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tumatalima sa kanya." Pagkatapos pagbawalang mangaral sa pangalan ni Hesus ang mga apostol, sila'y pinalaya. Galak na galak na umalis ang mga apostol sa harap ng Sanedrin sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 29, 2 at 4. 5 at 6. 11 at 12a at 13b
O Panginoon ko,
sa iyong ginawa, kita'y pinupuri't ako'y
iniligtas,
kaya ang kaaway ay di na nakuhang
matuwa't magalak.
Mula sa libingang
daigdig ng patay, hinango mo ako at
muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa
kailaliman.
Tugon: Poong sa aki'y nagligtas, ang dangal mo'y aking galak.
Purihin ang Poon,
Siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga
hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos
na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at
pasalamatan!
Hindi nagtatagal
yaong kanyang galit, at ang kabutihan
niya'y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha
sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang
lungkot, kapalit ay galak.
Tugon: Poong sa aki'y nagligtas, ang dangal mo'y aking galak.
Kaya't ako'y dinggin,
Ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako
ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at
iyong tulungan.
Nadama ko'y galak nang iyong hubarin
ang aking panluksa.
sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di
magsasawa.
Tugon: Poong sa aki'y nagligtas, ang dangal mo'y aking galak.
Pahayag 5, 11-14
Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan.
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay tuminging muli at narinig ko ang tinig ng libu-libo't laksa-laksang anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na nilalang na buhay, at sa matatanda. Umaawit sila ng ganito:
"Ang Korderong pinatay ay karapatdapat na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan at kalakasan, papuri, paggalang at pagdakila!"
At narinig kong nag-aawitan ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa, at nasa dagat — lahat ng nilikha sa buong sanlibutan:
"Sa kanya na nakaluklok sa trono, at sa Kordero,
sumakanila ang kapurihan at karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, magpakailanman!"
Tumugon ang apat na nilalang na buhay: "Amen!" At nagpatirapa ang matatanda at nagsisamba.
Ang Salita ng Diyos.
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo'y muling nabuhay
Kanyang nilikha ang tanan
Mga tao'y dinamayan.
Aleluya! Aleluya!
Juan 21, 1-19
Lumapit si Hesus, hinawakan at ibinigay ang tinapay at isda.
+ Ang Mabuting Balitang Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Muling napakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, "Mangingisda ako." "Sasama kami," wika nila. Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, "Mga anak, mayroon ba kayong huli?" "Wala po," tugon nila. "Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo," sabi ni Hesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Hesus, "Ang Panginoon iyon!" Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya'y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang — mga siyamnapung metro lamang. Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. "Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo," sabi ni Hesus. Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda — sandaan at limampu't tatlong lahat. Hindi napunit ang lambat, kahit ganoon karami ang isda. "Halikayo at mag-almusal tayo," sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayon din ang isda.
Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya'y muling mabuhay.
Pagkakain nila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?" "Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo," tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, "Pakanin mo ang aking mga batang tupa." Muli siyang tinanong ni Hesus, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?" Sumagot si Pedro, "Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo." Ani Hesus, "Pangalagaan mo ang aking mga tupa." Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, "Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?" Nalungkot si Pedro, sapagkat makaitlo siyang tinanong: "Iniibig mo ba ako?" At sumagot siya, "Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo." Sinabi sa kanya ni Hesus, "Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig." Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo'y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, "Sumunod ka sa akin!"
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.