Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY - TAON K
Mga Gawa 5, 12-16
Parami nang parami ang nananalig sa Panginoon.
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Maraming kababalaghang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Nagtitipun-tipon sa Portiko ni Solomon ang lahat ng sumasampalataya. Hindi nangahas na makisama sa kanila ang mga di sumasampalataya, gayunma'y puring-puri sila ng mga tao. Subalit parami nang parami ang lalaki at babaing nananalig sa Panginoon. Dinala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilagay sa mga pa pag at mga higaan, upang pagdaan ni Pedro ay matamaan ng kanyang anino ang ilan man lamang sa kanila. At dumating din ang maraming taong buhat sa mga bayang kanugnog ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinahihirapan ng masasamang espiritu; at silang lahat ay pinagaling.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 117, 2-4. 22-24. 25-27a
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
d'Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi
kukupas."
Mga saserdote
ng Diyos na Panginoon, bayaang
magsaysay:
"Ang pag-ibig ng Diyos, walang
katapusan."
Lahat ng may takot
sa Panginoong Diyos, dapat
magpahayag,
"Ang pag-ibig niya'y hindi
magwawakas."
Tugon: Butihing Poo'y purihin pag-ibig n'ya'y walang maliw.
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato'y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong
Diyos.
Kung iyong mamasdan ay kalugud-
lugod.
O kahanga-hanga
ang araw na itong ang Diyos ang
nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
Tugon: Butihing Poo'y purihin pag-ibig n'ya'y walang maliw.
Kami ay iligtas,
tubusin mo, Poon, kami ay iligtas,
at pagtagumpayin sa layuni't hangad.
Ang pumaparito
sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
Ang Panginoon ang D'yos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tugon: Butihing Poo'y purihin pag-ibig n'ya'y walang maliw.
Pahayag 1, 9-11a. 12-13. 17-19
Namatay ako, ngunit masdan mo ako'y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman.
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Ako'y si Juan, ang inyong kapatid na kasama ninyo sa paghihirap, paghahari, at pagtitiis, dahil sa pakikipag-isa kay Hesus. Itinapon ako sa pulo ng Patmos sapagkat ipinangaral ko ang salita ng Diyos at ang katotohanang inihayag ni Hesus. Noo'y araw ng Panginoon. Kinasihan ako ng Espiritu, at narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trompeta. Ang sabi: "Isulat mo ang iyong nakikita."
Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilaw ang ginto. Nakatayo sa gitna ng mga ito ang isang animo'y lalaki, nakadamit nang abut-sakong, at may pamigkis na ginto sa kanyang dibdib.
Pagkakita ko sa kanya, para akong patay na nalugmok sa paanan niya. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay, at sinabi: "Huwag kang matakot!
Ako ang Simula at ang Wakas, at ang Nabubuhay! Namatay ako ngunit masdan mo, ako'y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman. Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay. Kaya't isulat mo ang iyong nakikita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa."
Ang Salita ng Diyos.
Juan 20, 29
Aleluya! Aleluya!
Mapalad at maligaya
ang sumasampalataya
sa di nakita ng mata!
Aleluya! Aleluya!
Juan 20, 19-31
Makalipas ang walong araw, si Hesus ay tumayo sa gitna nila.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. "Sumainyo ang kapayapaan!"
sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, "Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.
Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad."
Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. Kaya't sinabi sa kanya ng ibang alagad, "Nakita namin ang Panginoon!" Sumagot si Tomas, "Hindi ako maniniwala hangga't di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga't hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran."
Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga Pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya "Sumainyo ang kapayapaan!" Saka sinabi kay Tomas, "Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na." Sumagot si Tomas, "Panginoon ko at Diyos ko!" Sinabi sa kanya ni Hesus, "Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita."
Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito'y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo'y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.