Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKATLONG LINGGO SA PANAHON NG PAGDATING NG PANGINOON - TAON K
Sofonias 3, 14-18a
Masayang aawit ang Panginoon sa laki ng kagalakan.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias
Umawit ka nang malakas, Lungsod ng
Sion;
sumigaw ka, Israel!
Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng
Jerusalem!
Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis
na ng Panginoon,
at itinapon niya ang inyong mga
kaaway.
Nasa kalagitnaan mo ang Hari ng
Israel, ang Panginoon;
wala nang kasawiang dapat pang
katakutan.
Sa araw na yaon ay sasabihin sa
Jerusalem:
"Huwag kang matakot, Sion;
huwag manghina ang iyong loob.
Nasa piling mo ang Panginoong iyong
Diyos,
parang bayaning nagtagumpay;
makikigalak siya sa iyong katuwaan,
babaguhin ka ng kanyang pag-ibig;
at siya'y masayang aawit sa laki ng
kagalakan,
gaya ng nagdiriwang sa pista."
Ang Salita ng Diyos.
Isaias 12, 2-3. 4bkcl. 5-6
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang
pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
Siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig
Sa batis ng kaligtasan.
Tugon: D'yos na kapiling ng bayan ay masayang papurihan.
"Umawit kayo ng papuri Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga
ginawa,
ipinahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang
buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at
ang Banal ng Israel."
Tugon: D'yos na kapiling ng bayan ay masayang papurihan.
Filipos 4, 4-7
Malapit nang dumating ang Panginoon.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga Kapatid:
Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo.
Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kagandahang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang dimalirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
Isaias 61, 1
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Maykapal
nasa akin upang hat'dan
ang mga dukha ng aral.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 3, 10-18
Ano ang gagawin namin?
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Tinanong si Juan Bautista ng mga tao, "Kung gayun, ano po ang dapat naming gawin?" "Kung mayroon kang dalawang baro, bigyan mo ng isa ang wala. Ganyan din ang gawin ng mga may pagkain," tugon niya. Dumating din ang mga publikano upang pabinyag at itinanong nila sa kanya, "Guro, ano po ang dapat naming gawin?" Sumagot siya,"Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin." Tinanong din siya ng mga kawal, "At kami, ano naman ang dapat naming gawin?" U Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo; masiyahan kayo sa inyong sahod," sagot niya.
Naghahari sa mga tao ang pananabik sa pagdating ng Mesiyas at ang akala ng marami'y si Juan ang kanilang hinihintay. Kaya't sinabi ni Juan sa kanila, "Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya'y makapangyarihan kaysa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya ang trigo sa kanyang kamalig, ngunit ang ipa'y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman."
Marami pang bagay ang ipinangaral ni Juan sa mga tao sa kanyang paghahayag ng Mabuting Balita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.