Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-9 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON B
Deuteronomio 5, 12-15
Alalahanin ninyong naging alipin_ din kayo sa Egipto.
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
"Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng utos ko sa inyo. Anim na araw kayong gagawa ng inyong mga gawain ngunit ang ika-pitong araw ay para sa akin; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag kayong magtatrabaho. Huwag din ninyong pagtatrabahuhin ang inyong mga anak, alipin, o alinman sa inyong mga hayop, ni ang mga nakikipamayan sa inyo. Ang inyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad ninyo. Alalahanin ninyong naging alipin din kayo sa Egipto at mula roo'y inilabas ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko sa inyong ipangilin ang Araw ng Pamamahinga."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 80, 3-4. 5-6ab. 6k-8a. 10-11 ab
Umawit sa saliw nitong pandereta,
kasabay ang tugtog ng lira at alpa.
Hipan ang tambuli tuwing nagdiriwang,
kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
Tugon: Masigla nating awitan ang D'yos nating kaligtasan.
Sa bansang Israel, ito yaong utos,
batas na ginawa nitong Diyos ni Jacob.
Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.
Tugon: Masigla nating awitan ang D'yos nating kaligtasan.
Ganito ang wika na aking narinig:
"Mabigat mong dala'y aking iniibis,
ipinababa ko ang pasaning basket.
Iniligtas kita sa gitna ng hirap,
iniligtas kita nang ikaw'y tumawag.
Tugon: Masigla nating awitan ang D'yos nating kaligtasan.
Ang diyus-diyusa'y huwag mong
paglingkuran,
Diyos ng ibang bansa'y di dapat
luhuran.
Ako'y Panginoon, ako ang Diyos mo,
Ako ang tumubos sa 'yo sa Egipto.
Tugon: Masigla nating awitan ang D'yos nating kaligtasan.
2 Corinto 4, 6-11
Sa pamamagitan ng katawan natin nahahayag ang buhay ni Hesus.
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ang Diyos nanagsabing "Mula sa karimlan ay sisilang ang liwanag" ay siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isip upang makilala ang kadakilaan ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Kristo.
Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay hamak-kung baga sa sisidlan ay palayok lamang-upang ipakilalang ang di malirip na kapangyarihan ay sa Diyos, at hindi amin. Ginigipit kami sa kabi-kabila ngunit di nagagapi. Kung minsa'y nag-aalinlangan kami ngunit di nawawalan ng pag-asa. Pinag-uusig kami ngunit di nawawalan ng kaibigan; naibubuwal ngunit di tuluyang nailulugmok. Lagi kong taglay sa aking katawan ang kamatayan ni Hesus upang sa pamamagitan ng katawan ko'y mahayag ang kanyang buhay. Kami'y laging nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Kristo upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D'yos ni Hesukristo,
ang salita mo'y tatoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
Marcos 2, 23 - 3, 6
Ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus at ang kanyang mga alagad sa tabi ng triguhan. Habang daa'y nangingitil ng uhay ang mga alagad, kaya't sinabi ng mga Pariseo kay Hesus, "Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga!" Sinagot sila ni Hesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong si Abiatar ang pinakapunong saserdote? Nang siya at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon, ngunit kinain iyon ni David, at binigyan pa ang kanyang mga kasama." Sinabi pa ni Hesus, "Itinakda ang Araw ang Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao."
Muling pumasok si Hesus sa sinagoga, at naratnan niya roon ang isang lalaking patay ang isang kamay. Kaya't binantayan si Hesus ng ilang taong naroon upang tingnan kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, para may maiparatang sila sa kanya. Tinawag ni Hesus ang lalaking patay ang kamay: "Halika rito sa unahan!" Tinanong niya pagkatapos ang mga tao, "Alin ba ang ayon sa Kautusan: ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?" Ngunit hindi sila sumagot. Habang tinitingnan ni Hesus ang mga taong nasa paligid niya, galit at lungkot ang nabadha sa kanyang mukha, dahil sa katigasan ng kanilang ulo. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, "lunat mo ang iyong kamay." Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at nakipagsabwatan sa mga kampon ni Herodes upang ipapatay si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.