Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-7 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON B
Isaias 43, 18-19. 21-22. 24b-25
Dahil sa pag-ibig, aking nilimot ang iyong pagsuway.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
"Ang mga nangyari no'ng unang
panahon,
ilibing sa limot, limutin na ngayon.
Narito, at masdan
ang nagawa ko'y isang bagong bagay
na hanggang sa ngayo'y di mo
namamasdan.
Ako'y magbubukas
ng isang landasin sa gitna ng ilang,
maging ang disyerto ay patutubigan.
Sila'y nilalang ko
at aking hinirang, upang ako'y
kanilang papurihan!
Ngunit ikaw, Israel,
ay lumimot sa akin;
at ayaw mo akong sambahin.
Sa halip ay gumawa ka ng maraming
kasalanan,
pinabigatan mo ako ng iyong
kasamaan.
Gayunman, ako ang Diyos
na nagpapatawad sa iyong mga
kasalanan;
Dahil sa pag-ibig,
aking nilimot na ang 'yong
pagsuway."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 40, 2-3. 4-5. 13-14
Mapalad ang isang taong tumitingin sa
mahirap,
Panginoo'y tumutulong kung siya ay
may bagabag.
Buhay niya'y iingatan, yamang siya ang
may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya
masasadlak,
At doon sa bayan niya'y ituturing na
mapalad.
Tugon: Sa nagawa kong pagsuway, Poon, ako ay lunasan.
Ang Poon rin ang tutulong kung siya ay
magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na
ibabalik.
Ang pahayag ko sa Poon, "Tunay akong
nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay
mahabag ka!"
Tugon: Sa nagawa kong pagsuway, Poon, ako ay lunasan.
Tulungan mo ako ngayon, yamang ako
ay mabuti
sa piling mo ay patuloy na ingatan ang
sarili.
Purihin ang Panginoon, itong Diyos ng
Israel;
kailanman at saanman, siya'y ating
pupurihin!
Amen! Amen!
Tugon: Sa nagawa kong pagsuway, Poon, ako ay lunasan.
2 Corinto 1, 18-22
Si Hesukristo ay nananatiling "00".
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kung paanong ang Diyos ay tapat, gayon din ang salita ko sa inyo: ang "00" ngayon ay mananatiling "00." Ang Anak ng Diyos, si Hesukristo na ipinangaral namin nina Silvana at Timoteo ay hindi "00" ngayon at pagkatapos ay "Hindi." Siya'y nananatiling "Oo," sapagkat siya ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos. Dahil sa kanya, nakasasagot tayo ng "Amen" sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ang Diyos ang nagpatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Kristo, at siya rin ang humirang sa amin. Tinatakan niya kami at pinagkalooban ng kanyang Espiritu, bilang katunayang tutuparin niya ang kanyang pangako.
Ang Salita ng Diyos.
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha'y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
Marcos 2, 1-12
Ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Bumalik si Hesus sa Capernaum pagkalipas ng ilang araw, at kumalat ang balitang siya'y nasa kanyang tahanan. Kaya't nagkatipon ang napakaraming tao, anupat wala nang matayuan kahit sa labas ng pintuan. Samantalang nangangaral si Hesus, may idinating na isang paralitikong dala ng apat na katao. Hindi nila ito mailapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya, at inihugos ang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, "Anak, ipinatatawad na ang mga kasalanan mo." May nakaupo roong ilang eskriba na nagsaloob ng ganito: "Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Kalapastanganan sa Diyos iyan! Hindi ba't Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?" Talos ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya't sinabi niya, "Bakit kayo nagsasaloob ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko, 'Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,' o ang sabihing, 'Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka'? Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan." Sinabi niya sa paralitiko, "Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka!" Tumindig naman ang paralitiko, binuhat ang kanyang higaan at umalis na nakikita ng lahat. Sila'y pawang nanggilalas at nagpuri sa Diyos. "Hindi pa kami nakakikita ng ganito!" sabi nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.