Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-5 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON B
Job 7, 1-4. 6-7
Batbat ako ng tiisin.
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Nagsalita si Job at sinabi niya:
"Ang buhay ng tao'y sagana sa hirap,
batbat ng tiisin at lungkot na
dinaranas.
Siya'y tulad ng alipin, pahinga ang
hinahangad,
para siyang manggagawa, naghihintay
ng kanyang bayad.
Maraming buwan na ang lumipas,
walang layon ang buhay ko,
at tuwing sasapit ang gabi ay
namimighati ako.
Ang gabi ay matagal, wari'y wala
nang umaga,
di mapanatag sa higaan at palaging
balisa.
Mga araw ng buhay ko'y mabilis na
nalalagas,
pag-asa ko'y lumalabo, at matuling
tumatakas.
"O Diyos, iyong alalahaning ang
buhay ko'y parang hangin,
ang ligaya ng buhay ko'y napalitan na
ng lagim."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit at magpuri sa
ating Diyos,
ang magpuri sa kanya'y tunay na
nakalulugod.
Ang Lungsod ng Jerusalem, muli niyang
ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at
nalupig.
Tugon: Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring
lulunasan;
ang natamo nilang sugat, agad-agad
tatapalan.
Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga
tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang
itinakda.
Tugon: Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
Panginoong ating Diyos ay dakila at
malakas,
ang taglay n'yang karunungan, ay
walang makasusukat.
Yaong mapagpakumbaba'y siya niyang
itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay
ibabagsak.
Tugon: Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
1 Corinto 9, 16-19. 22-23
Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Hindi ngayo't nangangaral ako ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako'y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito'y ipinagkatiwala sa akin. Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko na walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral.
Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami. Sa piling ng mahihina, ako'y naging gaya ng mahihina upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay maligtas ko, kahit sa anong paraan.
Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito.
Ang Salita ng Diyos.
Mateo 8, 17
Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos niya tayo!
Aleluya! Aleluya!
Marcos 1, 29-39
Pinagaling ni Hesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Andres at Simon. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito'y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di'y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman, at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa'y bumangon na si Hesus at nagtungo sa isang ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at ng kanyang mga kasama. Nang siya'y matagpuan, sinabi nila, "Hinahanap po kayo ng lahat." Ngunit sinabi ni Hesus, "Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral ako roon - ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum." At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.