Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-4 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON B
Deuteronomio 18, 15-20
Pipili ako ng propetang tulad mo, sa kanya ko ipasasabi ang ibig kong sabihin sa mga tao.
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao:
"Mula sa inyo, pipili ang Panginoon ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan. Ito'y katugunan sa hiling ninyo sa Panginoon nang kayo'y nagkatipon sa Horeb. Ang sabi ninyo, 'Huwag mo nang iparinig uli sa amin ang tinig ng Panginoon ni ipakita pa ang kakila-kilabot na apoy na ito pagkat tiyak na mamamatay kami.' Sinabi naman niya sa akin, 'Tama ang sabi nila, kaya pipili ako ng propetang tulad mo. Sa kanya ko ipasasabi ang ibig kong sabihin sa kanila. Sinumang hindi makinig sa kanya ay mananagot sa akin. Ngunit tiyak na mamamatay ang propetang mangangahas magsalita sa pangalan ko nang hindi ko pinahihintulutan o magsalita sa pangalan ng alinmang diyus-diyusan.'"
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Tayo ay lumapit
sa 'ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati't kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
Siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Tugon: Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya'y sumamba at
magbigay-galang,
lumuhod sa harap
nitong Panginoong sa ati'y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Tugon: Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
"Iyang inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila'ng
nakinabang."
Tugon: Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.
1 Corinto 7, 32-35
Ang pinagsusumakitan ng walang asawa ay ang mga bagay na ukol sa Panginoon sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa Panginoon.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ibig ko kayong malayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugud-lugod sa Panginoon. Ngunit ang pinagsusumakitan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito'y hati ang kanyang pagmamalasakit. Gayun din naman, ang pinagsisikapan ng dalaga o babaing walang asawa ay ang mga bagay na ukol sa Panginoon sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Sinasabi ko ito upang tulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang ibig ko'y madala kayo sa maayos na pamumuhay, at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
Mateo 4, 16
Aleluya! Aleluya!
Bayang nasa kadiliman
sa lilim ng kamatayan
ngayo'y naliliwanagan!
Aleluya! Aleluya!
Marcos 1, 21-28
Nagturo sa kanila si Hesus na parang isang may kapangyarihan.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus at ang mga alagad ay nagpunta sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: "Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!" Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, "Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!" Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya't sila'y nagtanungan, "Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!" At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.