Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-26 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON B
Bilang 11, 25-29
Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat.
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, ang Panginoon ay bumaba sa anyo ng ulap at kinausap nga si Moises. Ang pitumpung matatanda ay binahaginan niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila'y napuspos ng kapangyarihan at nagpahayag noon ngunit hindi na nila inulit.
May naiwang dalawang matandang lalaki sa kampamento: Eldad ang pangalan ng isa at yaong isa'y Medad. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ng Panginoon kaya sila'y nagpahayag na roon. Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, "Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo."
Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at katulong ni Moises, "Bakit di ninyo sila sawayin?" Ngunit sinabi ni Moises, "Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos ng espiritu ng Panginoon."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 18, 8. 10. 12-13. 14
Ang batas ng Panginoon ay batas na
walang kulang,
ito'y utos na ang dulot sa tao ay bagong
buhay;
yaong kanyang mga batas ay
mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang
kaisipan.
Tugon: Ating kabutiha't lugod ay nasa loobin ng D'yos.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at
mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na
parati;
pati mga hatol niya'y matuwid na
kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay
pantay-pantay.
Tugon: Ating kabutiha't lugod ay nasa loobin ng D'yos.
Ang utos mo, Panginoon, sa alipin mo
at lingkod,
ay mayroong gantimpala kapag aking
sinusunod.
Walang taong pumupuna sa gawa
n'yang hindi angkop,
kaya ako ay iligtas sa lihim na gawang
buktot.
Tugon: Ating kabutiha't lugod ay nasa loobin ng D'yos.
Ang lingkod mo ay iligtas sa hayag na
kasalanan,
at h'wag mo pong itutulot na ako ay
pagharian;
mamumuhay akong ganap na wala nang
kapintasan,
ako'y lubos na lalaya sa kuko ng
kasalanan.
Tugon: Ating kabutiha't lugod ay nasa loobin ng D'yos.
Santiago 5, 1-6
Bulok na ang inyong mga kayamanan.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng tanga ang inyong mga damit. Kinain na ng kalawang ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na uubos sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw laban sa inyo ang upa na hindi ninyo ibinigay sa mga gumapas sa inyong bukirin. Umabot sa langit, sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat, ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpakalayaw kayo at nagpasasa dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na papatayin. Hinatulan ninyo at ipinapatay ang mga matuwid; hindi Sila lumaban sa inyo.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 17, 17b.a
Aleluya! Aleluya!
Amang D'yos ni Hesukristo,
ang salita mo'y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
Marcos 9, 3843.45. 4748
Ang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ni Juan, "Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo, at pinagbawalan namin sapagkat hindi natin siya kasamahan." Ngunit sinabi ni Hesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Sinasabi ko sa inyo: sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.
"Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay. Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno. At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo'y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.