Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-20 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON B
Kawikaan 9, 1-6
Kumain at uminom kayo.
Pagbasa mula sa aklat ng Mga Kawikaan
Gumawa na ng tirahan itong
karunungan,
na itinayo niya sa pitong patibayan.
Nagpatay s'ya ng hayop, nagtimpla ng
inumin,
ang mesa ay inihanda, punong-
puno ng pagkain.
Katulong ay isinugo sa gitna nitong
bayan,
upang lahat ay abutin ng ganitong
panawagan:
"Ang kulang sa kaalaman, dito ay
lumapit."
Sa mga walang muwang ay ganito
ang sinambit:
"Halikayo't inyong kainin ang
pagkain ko,
at tunggain ang inuming inilaan
ko sa inyo.
Lisanin ang kamangmangan upang
kayo ay mabuhay,
at ang landas ng unawa ang tahakin
at daanan."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 33, 2-3, 10-11, 12-13. 14-15
Panginoo'y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Tugon: Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin,
Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan
nang makamtan ninyo ang lahat ng
bagay.
Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
Ngunit ang sinumang ang Poon
susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.
Tugon: Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin,
Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan
at kayo ngayo'y aking tuturuan
na ang Diyos ay dapat nating katakutan.
Ang buhay masaya at mahabang buhay,
di ba ninyo gustong inyong maranasan?
Tugon: Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin,
Salitang mahalay at pagsisinungaling,
ay dapat iwasan at h'wag banggitin.
Mabuti ang gawi't masama'y layuan
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
Tugon: Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin,
Efeso 5, 15-20
Unawain ninyo ang kalooban ng Diyos
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti. Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
Huwag kayong maglalasing, sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay. Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu Santo. Sama-samang ipahayag ang inyong damdamin sa pamamagitan ng mga salmo, mga imno at mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos at Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 6, 56
Aleluya! Aleluya!
Ang sinumang kumakain
sa katawang aking hain
ay nananahan sa akin.
Aleluya! Aleluya!
Juan 6, 51-58
Ang aking laman ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman."
Dahil dito'y nagtalu-talo ang mga Judio. "Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?" tanong nila. Kaya't sinabi ni Hesus, "Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito'y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.