Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-2 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON B
1 Samuel 3, 3b-10. 19
Magsalita po kayo Panginoon, nakikinig po ang inyong lingkod.
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, si Samuel ay natutulog sa Templo, sa may Kaban ng Tipan. Nang magmamadaling araw na, siya'y tinawag ng Panginoon, "Samuel, Samuel!"
"Po," sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, "Bakit po?" Sinabi ni Eli, "Hindi kita tinatawag. Mahiga ka na uli." Nagbalik nga siya sa kanyang higaan. Tinawag siya uli ng Panginoon. Bumangon siya, lumapit kay Eli at itinanong, "Tinatawag po ba ninyo ako?"
Sinabi ni Eli, "Hindi kita tinatawag, anak. Mahiga ka na uli." Hindi pa kilala ni Samuel ang Panginoon sapagkat hindi pa siya kinakausap nito.
Sa ikatlong beses na tawagin siya, lumapit uli siya kay Eli at sinabi, "Narinig ko pong tinawag ninyo ako."
Naisip ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya, "Sige, mahiga ka uli. Kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: 'Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod.'" At muling nahiga si Samuel. Ang Panginoon ay lumapit kay Samuel at tinawag ito.
Sumagot si Samuel, "Magsalita po kayo, nakikinig po ang inyong lingkod."
Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ng Panginoon, at nagkakatotoo ang lahat ng sinabi niya.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 39, 2 at 4ab. 7-8a. 8b-9. 10
Ako ay naghintay sa 'king Panginoon,
at dininig niya ang aking pagtaghoy;
tinuruan niya ako pagkatapos
ng bagong awiting pampuri sa Diyos.
Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang mga panghandog, pati mga hain,
at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala'y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ikaw'y dinggin.
Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, "Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral."
Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo'y aking inihayag
saanman magtipon ang 'yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
1 Corinto 6, 13k-15a. 17-20
Kayo'y mga bahagi ng Katawan ni Kristo.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon naman ay sa katawan. Muling binuhay ng Diyos ang Panginoong Hesus, at tayo ma'y muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Hindi ba ninyo alam na kayo'y mga bahagi ng katawan ni Kristo? Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay kaisa niya sa Espiritu.
Huwag kayong makikiapid. Sa alinmang ibang kasalanan na ginagawa ng tao, iba ang napipinsala, ngunit sa pakikiapid, sariling katawan ang kanyang pinipinsala. Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos? Ang inyong katawan ay hindi talagang inyo kundi sa Diyos; binili niya kayo sa malaking halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 1, 41. 17b
Aleluya! Aleluya!
Natagpuan ang Mesiyas
ng sa kanya'y naghahanap.
S'ya'y pag-ibig na matapat.
Aleluya! Aleluya!
Juan 1, 35-42
Nakita nila ang kanyang tinitirhan at tumuloy sila roon noong araw na iyon.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nakatayo si Juan at ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabi, "Ito ang Kordero ng Diyos!" Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, "Ano ang hinahanap ninyo?" Sumagot sila, "Saan po kayo nakatira, Rabi?" Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro. "Halikayo at tingnan ninyo," ani Hesus. Sumama sila at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na yaon. Noo'y mag-iikaapat na ng hapon.
Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Hesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Una niyang hinanap ang kapatid niyang ito, at kanyang sinabi sa kanya, "Natagpuan namin ang Mesiyas!" Ang kahulugan ng salitang ito'y Kristo. At siya'y isinama ni Andres kay Hesus. Tiningnan ni Hesus si Simon at sinabi sa kanya, "Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang ipangangalan sa iyo'y Cefas." Ang katumbas ng pangalang ito'y Pedro.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.