Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-11 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON B
Ezekiel 12, 22-24
Maitataas ko ang mababang punongkahoy.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito nga ang ipinasasabi ng Panginoon, "Kukuha ako ng isang usbong ng sedro at aking iaayos. Ang kukunin ko'y yaong pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok, sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedro. Sa gayun, lahat ng uri ng hayop ay makapaninirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama'y makapamumugad sa mga sanga nito. Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na mapabababa ko ang mataas na kahoy at maitataas ko yaong mababa; na matutuyo ko ang sariwang kahoy at mapananaríwa ko yaong tuyong punongkahoy. Akong Panginoon ang nagsasabi nito at ito'y gagawin ko."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 91, 2-3. 13-14. 15-16
Ang magpasalamat
sa Panginoong Diyos ay mabuting
bagay,
Umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
Pag-ibig n'yang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-
liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan n'ya'y ihayag din naman.
Tugon: Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D'yos.
Katulad ng palma,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
parang mga sedro,
kahoy sa Libano, lalagong mainam.
Parang punongkahoy
na doon natanim sa tahanan ng Diyos,
sa banal na templo
ito ay lalago na nakalulugod.
Tugon: Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D'yos.
Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
Ito'y patotoo
na ang Panginoo'y tunay na matuwid,
Siya kong sanggalang,
matatag na batong walang bahid
dungis.
Tugon: Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D'yos.
2 Corinto 5, 6-10
Pinakananais kong maging kalugud-lugod sa Panginoon, dito sa lupa para nang sa langit.
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, laging malakas ang aking loob. Alam ko na habang tayo'y nasa tahanang ito, ang ating katawan, hindi mapapasaatin ang tahanang galing sa Panginoon. Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay, na nakikita. Malakas nga ang loob kong iwan ang katawang ito na aking tinatahanan upang manirahan sa piling ng Panginoon. ang Kaya naman, pinakananais ko ay maging kalugud-lugod sa kanya, sa tahanang ito o doon man sa langit. Sapagkat bawat isa ay haharap sa hukuman ni Kristo upang tumanggap ng kaukulang ganti sa kanyang ginawa, mabuti man o masama, nang siya'y nabubuhay pa sa daigdig na ito.
Ang Salita ng Diyos.
Aleluya! Aleluya!
Salita ng D'yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!
Marcos 4, 26-34
Ang pinakamaliit na binhi ay nagiging pinakamalaking puno ng gulay.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, "Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa'y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga buti! Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.
"Sa ano ihahambing ang natin paghahari ng Diyos?" sabi pa ni Hesus. "Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito'y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito."
Ang Salita'y ipinangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.