Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK: HESUS, MARIA AT JOSE - TAON B
Sirac 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)
Gumagalang sa magulang ang sinumang may takot sa Diyos.
Pagbasa mula sa aklat ni Sirac
Ang mga ama ay binigyan ng
Panginoon ng kapangyarihan sa
mga anak,
at iniutos niya na sundin ng mga anak
ang kanilang ina.
Ang gumagalang sa kanyang ama'y
nagbabayad na sa kanyang
kasalanan,
at ang nagpaparangal sa kanyang ina'y
parang nag-iimpok ng kayamanan.
Ang gumagalang sa kanyang ama'y
paliligayahin naman ng kanyang
mga anak,
at ang panalangin niya'y agad
diringgin ng Panginoon.
Ang nagpaparangal sa kanyang ama
at nagdudulot ng kaaliwan sa
kanyang ina
ay tumatalima sa Panginoon;
pahahabain ng Diyos ang kanyang
buhay.
Anak, kalingain mo ang iyong ama pag
siya'y matanda na,
at huwag mo s'yang dudulutan ng
sama ng loob habang nabubuhay.
Pagpaumanhinan mo siya kapag
nanlalabo na ang kanyang isip;
huwag mo s'yang lalapastanganin
ngayong nasa kasibulan ka na ng
iyong lakas.
Ang paglingap mo sa iyong ama ay di
makakalimutan ng Panginoon,
iyan ay magiging kabayaran sa iyong
mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay
may takot,
ang maalab na adhika'y sumunod sa
kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang
kailangan,
ang buhay ay maligaya't uunlad ang
kanyang buhay.
Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D'yos.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na
mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang
ang anak n'ya.
Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D'yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong
pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging
pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos
ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng
Jerusalem.
Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D'yos.
Colosas 3, 12-21
Ang pamumuhay ng mag-anak na Kristiyano.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid:
Kayo'y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya't dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa't isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya't magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang mga salita ni Kristo ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.
Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagmamalupitan.
Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon.
Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.
Ang Salita ng Diyos.
Colosas 3, 15a. 16a
Aleluya! Aleluya!
Kapayapaan ni Kristo
at Salita n'yang totoo
nawa'y manahan sa inyo.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 2, 22-40
Ang bata'y lumaking malakas at marunong.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa Kautusan ni Moises, dinala si Hesus ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, "Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon." At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: "Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati."
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala'y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya'y kinalong ni Simeon. Ito'y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
"Kunin mo na, Panginoon, ang iyong
abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata
ang iyong pagliligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng
bansa:
liwanag itong tatanglaw sa mga
Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong
bayang Israel."
Namangha ang ama't ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo'y para na ring tinarakan ng isang balaraw."
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala'y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya'y mabalo. At ngayon, walumpu't apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nasaret, Galilea. Ang bata'y lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.