Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGPAPAKITA NG PANGINOON
Isaias 60, 1-6
Naliliwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Bumangon ka, Jerusalem,
at magliwanag na tulad ng araw.
Nililiwanagan ka ng kaningningan ng
Panginoon.
Mababalot ng dilim ang ibang mga
bansa;
ngunit ikaw ay liliwanagan ng
Panginoon
sa pamamagitan ng kanyang
kaningningan.
Sa ningning ng iyong taglay na liwanag,
yaong mga bansa, sampu ng mga hari'y
lalapit na kusa.
Tumingin ka sa paligid
at tingnan mo ang nagaganap.
Ang mga anak mo'y nagtitipon na
upang umuwi.
Ang mga lalaki'y magmumula sa
malayo,
ang mga babae'y kargang tila mga bata,
ang tanawing ito kung iyong mamalas,
ikaw ay sisigla,
sa iyong damdami'y pawang kagalakan
yaong madarama;
pagkat ang yaman
niyong karagata'y iyong matatamo,
at ang kayamanan ng maraming bansa
ay makakamtan mo.
Maraming pangkat na nakasakay
sa kamelyo ang darating mula sa Madian
at Efa.
At sa Seba nama'y darating silang
may taglay na mga ginto at kamanyang.
Ihahayag ng mga tao ang magandang
balita
tungkol sa ginawa ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 71, 2. 7-8. 10-11. 12-13
Turuan mo yaong haring humatol ng
katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos,
siya'y bahaginan;
upang siya'y maging tapat mamahala sa
'yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat
siyang tunay.
Tugon: Poon, maglilingkod sa 'yo tanang bansa nitong mundo.
Yaong buhay na mat'wid sa kanyang
kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad
habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak
nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay
kakalat.
Tugon: Poon, maglilingkod sa 'yo tanang bansa nitong mundo.
Mga haring nasa pulo at naroon
Espanya,
maghahandog ng kaloob, ihahain din sa
kanya
pati yaong mga hari ng Arabia at
Etiopia,
may mga kaloob ding taglay nilang
alaala.
Ang lahat ng mga hari, gagalang sa
harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod
sa tuwina.
Tugon: Poon, maglilingkod sa 'yo tanang bansa nitong mundo.
Kanya namang ililigtas ang sinumang
tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong
mahihirap;
sa ganitong mga tao siya'y lubhang
nahahabag
sa kanila tumutulong, upang sila ay
maligtas.
Tugon: Poon, maglilingkod sa 'yo tanang bansa nitong mundo.
Efeso 3, 2-3a. 5-6
Inihayag ngayong ang tanang bansa ay kahati sa pangako ng Diyos.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Marahil naman, nabalitaan na ninyong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. Ang hiwagang ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
Mateo 2, 2
Aleluya! Aleluya!
Ang tala'y aming nakita
kaya't kami'y nagsipunta
upang sa Poon sumamba.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 2, 1-12
Naparito kami upang sambahin ang Hari.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Si Hesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni Haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: "Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya."
Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayun din ang buong Jerusalem. Kaya't tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas. "Sa Betlehem po ng Judea," tugon nila. "Ganito ang sinulat ng propeta:
'At ikaw, Betlehem, sa lupain ng
Juda,
ay hindi nga huli sa mga
pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang
pinuno
na mamamahala sa aking bayang
Israel.'"
Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pagbilinan ng ganito: "Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako may makasamba sa kanya." At lumakad na nga ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata gayun na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.
Nang sila'y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.