Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKAANIM LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY - TAON B
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48
Ang mga bansa ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo.
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Sinalubong ni Cornelio si Pedro at nagpatirapa sa harapan nito at sumamba. Ngunit sinabi ni Pedro, "Tumindig kayo. Ako'y tao ring tulad ninyo. Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa."
Nagsasalita pa si Pedro nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga nakikinig ng salita. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro, sapagkat ang mga ito ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Narinig nila ang mga Hentil na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, "Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino pa ang makahahadlang na binyagan sila sa tubig?" At iniutos niyang binyagan sila sa pangalan ni Hesukristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili roon ng ilang araw.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay
ialay,
pagkat yaong ginawa n'ya ay kahanga-
hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na
kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad
na tagumpay.
Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.
Ang tagumpay niyang ito'y siya na rin
ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang
pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang
tinutupad.
Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay
wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan
ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat
sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa
pag-awit!
Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag.
1 Juan 4, 7-10
Ang Diyos ay pag-ibig.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal:
Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki'y nagmamahal,
tutupad sa aking aral,
Ama't ako'y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
Juan 15, 9-17
Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-aalay ng buhay ng isang tao para sa kanyang mga kaibigan.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, u Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
"Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo'y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang iniuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.