Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON - MISA SA HATINGGABI
Isaias 9, 1-6
Ibinigay ang isang anak sa atin.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Nakatanaw ng isang malaking
liwanag
ang bayang malaon nang nasa
kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing
balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang
pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng
anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng
nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa
iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng
Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga
tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga
mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo
ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang
isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo,
ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe
ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang
hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David
at sa kanyang paghahari
Upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang
Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 11-12. 13
Purihin ang Panginoon, awitan ng
bagong awit;
ang Poon ay papurihan nitong lahat sa
daigdig!
Tugon: Sa ati'y sumilang ngayon Manunubos, Kristong Poon.
Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay
purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay
banggitin.
Kahit saa'y ipahayag na ang Poon ay
dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang
gawa.
Tugon: Sa ati'y sumilang ngayon Manunubos, Kristong Poon.
Lupa't langit ay magsaya, umugong ang
kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay
magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay
sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay
mag-awitan.
Tugon: Sa ati'y sumilang ngayon Manunubos, Kristong Poon.
Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay
daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay
hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay
pantay-pantay.
Tugon: Sa ati'y sumilang ngayon Manunubos, Kristong Poon.
Tito 2, 11-14
Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob sa lahat ng tao.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Pinakamamahal kong kapatid:
Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman. Kaya't makapamumuhay tayo ngayon nang maayos, matuwid at karapat-dapat sa Diyos samantalang hinihintay natin ang ating inaasahan — ang dakilang Araw ng paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesukristo sa gitna ng kanyang kaningningan. Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.
Ang Salita ng Diyos.
Lucas 2, 10-11
Aleluya! Aleluya!
Ito'y Balitang masaya
Manunubos sumilang na
sa ati'y Kristo, Poon s'ya.
Aleluya! Aleluya!
Lucas 2, 1-14
Sa inyo'y sumilang ngayon ang Tagapagligtas.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang pagpapatalang ito'y ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya't umuwi ang bawat isa sa sariling bayan upang magpatala.
Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose'y pumunta sa Betlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan at lahi ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo'y kagampan. Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito'y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Sa lupain ding yaon ay may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang lumitaw sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng Panginoon. Natakot sila nang gayun na lamang, ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban."
Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan, na nagpupuri sa Diyos:
"Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa'y kapayapaan sa mga taong
kinalulugdan niya!"
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.