Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
PAGGUNITA SA LAHAT NG MGA PUMANAW NA KRISTIYANO - IKA-2 NG NOBYEMBRE
2 Macabeo 12, 43-46
Naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay.
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Macabeo
Noong mga araw na iyon, nagpalikom si Judas, ang pinuno ng Israel, ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na libring pilak at ipinadala sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi'y magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling sapat ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 23, 1-3. 4. 5. 6
Pastol na nagtataguyod, sa akin ay
kumukupkop
ang Panginoong ating D'yos.
Buhay ko'y di magdarahop, ako'y di
maghihikahos.
Tugon: Pastol na nagtataguyod, sa akin ay kumukupkop.
Sa mainam na pastulan, ako ay
pinahihimlay;
ako'y kanyang inaakay
sa tahimik na batisan upang lakas ay
makamtan.
Tugon: Pastol na nagtataguyod, sa akin ay kumukupkop.
Ang pangako niya sa aki'y tapat at di
babawiin;
ako'y kanyang aakayin sa matuwid na
landasing hahawian n'ya ng dilim.
Tugon: Pastol na nagtataguyod, sa akin ay kumukupkop.
Hindi ako nangangamba kapag ikaw ay
kasama;
ang tungkod mo ang panangga,
Panginoon ko, sa t'wina walang
ikababalisa.
Tugon: Pastol na nagtataguyod, sa akin ay kumukupkop.
Inihanda mo ang dulang upang
mapakinabangan
pagkaing pagsasaluhan nang makita ng
kalaban na ako ay iyong mahal.
Tugon: Pastol na nagtataguyod, sa akin ay kumukupkop.
Sa ulo ko'y ibinuhos ang langis ng iyong
lugod
pati kopa ko'y pinuspos
sa 'yong pag-ibig na lubos na sa aki'y
iyong kaloob.
Tugon: Pastol na nagtataguyod, sa akin ay kumukupkop.
Pag-ibig mo't kabutiha'y tataglayin ko
kailanman
at ako ay mananahan sa bahay mong
dalanginan nang magpasawalang
hanggan.
Tugon: Pastol na nagtataguyod, sa akin ay kumukupkop.
Roma 5, 5-11
Napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin.
Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Kristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid — bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya. Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan alang-alang sa pagkamatay ng kanyang Anak. Kaya't tiyak ang pagkaligtas natin sa pamamagitan ng pagiging buhay ni Kristo. Hindi lamang ito! Nagagalak tayo't nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo ng Diyos na mga kaibigan niya.
Ang Salita ng Diyos.
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n'ya
Hari s'ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 5, 1-12a
Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya'y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila'y tinuruan niya ng ganito:
"Mapalad ang mga aba na wala nang
inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang
kaharian.
"Mapalad ang mga nahahapis,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
"Mapalad ang mga
mapagpakumbaba,
sapagkat tatamuhin nila ang
ipinangako ng Diyos.
"Mapalad ang mga nagmimithing
makatupad sa kalooban ng Diyos,
sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang
kanilang minimithi.
"Mapalad ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
"Mapalad ang mga may malinis na
puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
"Mapalad ang mga gumagawa ng
daan sa ikapagkakasundo,
sapagkat sila'y ituturing ng Diyos na
mga anak niya.
"Mapalad ang mga pinag-uusig dahil
sa kanilang pagsunod sa kalooban
ng Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang
kaharian.
"Mapalad kayo kapag dahil sa aki'y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.