Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKATLONG LINGGO SA PANAHON NG PAGDATING NG PANGINOON - TAON B
Isaias 61, 1-2a. 10-11
Sa Panginoo'y malulugod ang kanyang mahal na lungsod.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Pinuspos ako ng Panginoon
ng kanyang Espiritu.
Hinirang niya ako
upang ang magandang balita'y
dalhin sa mahihirap,
pagalingin ang sugat ng puso,
palayain ang mga bihag at bilanggo.
Sinugo niya ako,
upang ibalitang ngayo'y panahon
nang
iligtas ng Panginoon yaong mga tao
na hinirang niya.
At ang Jerusalem
sa ginawang ito'y pawang malulugod,
anaki'y dalagang gayak ay pangkasal,
siya'y parang dinamtan
ng kaligtasan at pagtatagumpay.
Kung paanong ang binhi
ay tiyak na tutubo at sisibol,
gayun ang pagliligtas ng Panginoon
sa bayang kanyang hinirang.
Dahil dito, lahat ng bansa
ay magpupuri sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
Lucas 1, 46-48. 49-50. 53-54
Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa
Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang
alipin!
At mula ngayon, ako'y tatawaging
mapalad ng lahat ng salinlahi.
Tugon: Sa Poong D'yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa
sa akin ng Makapangyarihan —
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot
sa kanya, sa lahat ng sali't saling lahi.
Tugon: Sa Poong D'yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang
mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang
mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang
Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating
mga magulang.
Tugon: Sa Poong D'yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
1 Tesalonica 5, 16-24
Pananatilihin niyang walang kapintasan ang inyong espiritu, kaluluwa at katawan hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid:
Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Kristo Hesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos.
Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag ninyong hamakin ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan. Nawa'y lubusan kayong pabanalin ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan — ang espiritu, kaluluwa, at katawan — hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ang mga bagay na ito.
Ang Salita ng Diyos.
Isaias 61, 1
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Maykapal
nasa akin upang hat'dan
ang mga dukha ng aral.
Aleluya! Aleluya!
Juan 1, 6-8. 19-28
Kapiling ninyo ang Mesiyas na hindi ninyo nakikilala.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesiyas. "Kung gayo'y sino ka?" tanong nila. "Ikaw ba si Elias?" "Hindi po," tugon niya. "Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?" Sumagot siya, "Hindi po." "Sino ka kung gayun?" tanong nila uli. "Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?" Sumagot si Juan, "Ako
'Ang tinig ng isang sumisigaw sa
ilang:
tuwirin ninyo ang daraanan ng
Panginoon!'"
Ang propeta Isaias ang maysabi nito.
Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, "Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesiyas, ni si Elias, ni ang Propeta?" Sumagot siya, "Ako'y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak."
Ito'y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.