Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
UNANG LINGGO SA PANAHON NG PAGDATING NG PANGINOON - TAON B
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7
Buksan mo ang kalangitan at ikaw ay bumaba sa mundong ibabaw.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ikaw lamang, Panginoon,
ang aming pag-asa't Amang aasahan;
tanging ikaw lamang
yaong nagliligtas nitong aming buhay.
Bakit ba, Panginoon,
kami'y tinulutang maligaw ng landas,
at ang puso nami'y iyong binayaan
na maging matigas?
Balikan mo kami, iyong kaawaan,
ang mga lingkod mo na tanging iyo
lamang.
Buksan mo ang langit
at ika'y bumaba sa mundong ibabaw,
at ang mga bundok
kapag nakita ka'y magsisipangatal.
Wala pang narinig na Diyos na tulad
mo,
wala pang nakita ang sinumang tao;
pagkat ikaw lamang ang Diyos
na tumulong sa mga lingkod mo
na buong tiwalang nanalig sa iyo.
Iyong tinatanggap,
ang nagsisikap sa mabuting gawa,
at ang iyong aral at mga tuntunin ang
ginugunita.
Nagagalit ka na'y tuloy pa rin kami
sa pagkakasala,
ang ginawa nami'y talagang masama
buhat pa nang una.
Ang lahat sa ami'y pawang nagkasala,
ang aming katulad
kahit anong gawin ay duming di
hamak.
Ang nakakawangki ng sinapit nami'y
mga dahong lagas, sa simoy ng hangi'y
tinatangay ito at ipinapadpad.
Wala kahit isang dumulog sa iyo
upang dumalangin, wala kahit isang
lumapit sa iyo na tulong ay hingin;
kaya naman dahil sa aming sala'y
hindi mo kami pinansin.
Gayunman, Panginoon,
aming nalalamang ika'y aming Ama,
kami'y parang luwad at ikaw ang
magpapalayok.
Ikaw ang lumikha
sa amin, Panginoon, at wala nang iba.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19
Pastol ng Israel, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin,
kami ay tulungan.
Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas,
at tubusin sa hirap!
Tugon: Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami't tanglawan.
Ika'y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo
kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin,
at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay
iyong iligtas,
Yaong punong iyon na pinalago mo't
iyong pinalakas!
Tugon: Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami't tanglawan.
Ang lingkod mong mahal
ay iyong ingatan, yamang hinirang mo
ay iyong ipagsanggalang,
Iyong palakasin bilang isang bansang
makapangyarihan!
At kung magkagayon,
magbabalik kami't di na magtataksil sa
'yo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang
iyong pangalan.
Tugon: Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami't tanglawan.
1 Corinto 1, 3-9
Hinihintay nating mahayag ang ating Panginoong Hesukristo.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapala niya sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo'y umunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman. Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Kristo ay malinaw na nakikita sa inyo anupa't hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espirituwal, habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Hesukristo. Kayo'y aalalayan niya hanggang sa wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa Araw ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo'y makipag-isa sa kanyang Anak na si Hesukristong ating Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 84, 8
Aleluya! Aleluya!
Pag-ibig mo'y ipakita,
lingapin kami tuwina,
iligtas kami sa dusa!
Aleluya! Aleluya!
Marcos 13, 33-37
Maging handa kayo: hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras. Katulad nito'y isang taong umalis upang maglakbay sa malayong lupain: ipinababahala ang kanyang tahanan sa mga alipin na binigyan ng kanya-kanyang gawain, at inuutusan ang bantay pinto na maging laging handa sa kanyang pagdating. Gayun din naman, maging handa kayong lagi, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan — maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga — baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!"
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.