Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO
Isaias 9, 1-6
Ibinigay ang isang anak sa atin.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa
kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing
balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang
pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng
anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng
nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa
iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng
Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga
tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga
mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo
ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang
isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
At siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo,
ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe
ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang
hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David
at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang
Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay
ialay,
pagkat yaong ginawa n'ya ay
kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na
kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad
na tagumpay.
Tugon: Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.
Ang tagumpay niyang ito'y siya na rin
ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang
pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang
tinutupad.
Tugon: Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay
wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan
ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat
sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa
pag-awit!
Tugon: Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.
Sa saliw ng mga lira iparinig yaong
tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging
maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw
ang tambuli,
magkaingay sa harapan ng Poon na
ating hari.
Tugon: Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.
Efeso 1, 3-6. 15-18
Tayo'y kanyang itinalaga upang maging mga anak sa pamamagitan ni Hesukristo.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!
Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Hesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang, walang humpay ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin, at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito'y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 1, 14. 12
Aleluya! Aleluya!
Naging tao ang Salita,
upang tanang maniwala
ay kanyang gawing dakila.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 18, 1-5. 10
Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, "Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?" Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, "Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap. Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.