Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-5 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Isaias 58, 7-10
Matutulad kayo sa bukang-liwayway.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang ipinasasabi ng Panginoon:
"Ang mga nagugutom ay inyong
pakanin,
patuluyin sa inyong tahanan ang
walang tirahan.
Yaong mga tao
na halos hubad na ay inyong
paramtan,
ang inyong pagtulong
sa mga kasama ay huwag tatalikdan.
At kung magkagayon,
matutulad kayo sa bukang-liwayway,
Hindi maglalao't
gagaling ang inyong sugat sa katawan,
ako'y laging sasainyo,
ililigtas kayo at iingatan kahit saang
lugar.
Sa araw na iyon,
diringgin ng Poon ang dalangin ninyo,
pag kayo'y tumawagn
Ako'y tutugon agad.
Kung titigilan ninyo
ang pang-aalipin at pagsuway sa akin,
at ang masamang salita'y iiwasan,
kung ang nagugutom
ay pakakanin ninyo at tutulungan,
ang kadilimang bumabalot sa inyo
ay magiging tila liwanag sa
katanghalian. "
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 111, 4-5. 6-7. 9
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
Tugon: Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Anumang balita'y hindi siya takot,
matatag ang puso't may tiwala sa
Diyos.
Tugon: Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.
Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat'wid ay di nagwawakas,
buong karangalan siyang itataas.
Tugon: Sa dilim ay may liwanag sa tao na nahahabag.
1 Corinto 2, 1-5
Ipinangaral ko sa inyo ang lihim na - panukala ng ipinakong si Hesukristo.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, nang ako'y pumariyan, ipinahayag ko sa inyo ang lihim na panukala ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng malalalim na pananalita o matataas na karunungan. Ipinasiya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesukristo na ipinako sa krus. Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko'y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya't hindi na karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos nababatay ang inyong pananalig kay Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 8, 12
Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
"Ako ay ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko."
Aleluya! Aleluya!
Mateo 5, 13-16
Kayo'y ilaw sa sanlibutan.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Kayo'y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapapanauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, kaya't itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.
"Kayo'y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.