Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-33 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31
Ibunton sa kanya ang lahat ng parangal.
Pagbasa mula sa aklat ng Mga Kawikaan
Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
Pinaglilingkuran niya ang kanyang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang lino at saka ng lana.
Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
Matulungin siya sa mahirap at sa nangangailangan ay bukas ang palad.
Magdaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda ngunit ang babaing may takot sa Panginoon ay pupurihin ng balana.
Ibunton sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay
may takot,
ang maalab na adhika'y sumunod sa
kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang
kailangan,
ang buhay ay maligaya't uunlad ang
kanyang buhay.
Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D'yos.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na
mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang
ang anak n'ya.
Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D'yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong
pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging
pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos
ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng
Jerusalem.
Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D'yos.
1 Tesalonica 5, 1-6
Hindi kayo mabibigla sa Araw ng Panginoon na darating na parang magnanakaw.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid:
Hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat alam na ninyong ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad sa pagdating ng magnanakaw. Kapag sinasabi ng mga tao, "Tiwasay at panatag ang lahat," biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makaiiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng pagdaramdam ng babaing manganganak. Ngunit hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na yaon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan - sa panig ng araw - hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi. Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip - di tulad ng iba.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 15, 4a. 5b
Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili
siya'y sa atin lalagi
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 25, 14-30
Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, makihati ka sa aking kagalakan.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: "Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama'y dalawanlibong piso, at ang isa pa'y sanlibong piso. Pagkatapos, siya'y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limanlibong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limanlibong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawanlibong piso ay nagtubo ng dalawanlibong piso. Ngunit ang tumanggap ng sanlibong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
"Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limanlibong piso. Wika niya, 'Panginoon, heto po ang limanlibong piso na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limanlibong pisong tinubo ko.' Sinabi sa kanya ng panginoon, 'Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!' Lumapit ang tumanggap ng dalawanlibong piso, at ang sabi, 'Panginoon heto po ang ibinigay ninyong dalawanlibong piso. Heto naman po ang dalawanlibong pisong tinubo ko.' Sinabi ng kanyang panginoon, 'Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!' At lumapit naman ang tumanggap ng sanlibong piso. 'Alam ko pong kayo'y mahigpit,' aniya. 'Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang sanlibong piso ninyo. 'Masama at tamad na alipin!' Tugon ng kanyang panginoon. 'Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana'y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang sanlibong piso at ibigay sa may sampunlibong piso. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin."'
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.