Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Karunungan 6, 12-16
Natatagpuan ng naghahanap ang karunungan.
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Ang Karunungan ay maningning at di
kumukupas,
madaling natatagpuan ng naghahanap
sa kanya,
at nakikita agad ng mga nagpapahalaga
sa kanya.
Madali siyang nagpapakilala sa mga
naghahangad sa kanya.
Hanapin mo siyang maaga at agad mo
siyang matatagpuan,
Makikita mo siyang nag-aabang sa
iyong tarangkahan.
Isipin mo lamang siya'y magkakaroon
ka ng ganap na pagkaunawa;
hanapin mo siya't matatahimik ang
iyong kalooban.
Pagkat hinahanap niya ang mga
karapat-dapat sa kanya,
at makikita ka niya saan ka man
naroon.
Siya'y maamo at sasamahan ka niya sa
bawat iniisip mo.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 62, 2. 3-4. 5-6. 7-8
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi
kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw
yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang
siyang lunas.
Tugon: Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na
dakong banal,
ikaw roo'y mamasdan ko, sa likas mong
karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mahigit pa
kaysa buhay,
kaya ako'y magpupuri't ikaw ang
pag-uukulan.
Tugon: Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y
magpapasalamat,
at ako'y dadalangin na kamay ko'y
nakataas.
Itong aking kaluluwa'y kakaing may
kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring
iaalay.
Tugon: Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Laman ka ng gunita ko samantalang
nahihimlay,
magdamag na ang palaging iniisip ko ay
ikaw;
pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na
malapit,
sa lilim ng iyong pakpak galak akong
umaawit.
Tugon: Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
1 Tesalonica 4, 13-18
Bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Hesus upang isama sa kanya.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, ibig naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, nang hindi kayo magdalamhati, tulad ng mga taong walang pag-asa. Naniniwala tayong si Hesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Hesus - upang isama sa kanya.
Ito ang aral ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: pagparito ng Panginoon, tayong mga buhay ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpetang Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Kristo. Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo'y makakapiling niya tayo magpakailanman. Kaya nga, mag-aliwan kayo sa pamamagitan ng mga aral na ito.
Ang Salita ng Diyos.
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Tayo ay laging magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 25, 1-13
Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: "Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa'y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila'y hangal at ang lima'y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino'y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya't inantok silang lahat at nakatulog.
Ngunit nang hatinggabi na'y may sumigaw: 'Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!' Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, 'Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e.' 'Baka hindi magkasya ito sa ating lahat,' tugon ng matatalino. 'Mabuti pa'y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.' Kaya't lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto.
Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. 'Panginoon, papasukin po ninyo kami!' sigaw nila. Ngunit tumugon siya, 'Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.' Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.