Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-30 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Exodo 22, 20-26
Parurusahan ng Panginoon ang umaapi sa mga balo at mga ulila.
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Ito ang sinasabi ng Panginoon: "Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; alalahanin ninyong nangibang-bayan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo'y mababalo rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.
"Kapag nangungutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga usurero. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya'y dumaing sa akin, diringgin ko siya sapagkat ako'y mahabagin."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 47 at 51ab
O Panginoon kong aking kalakasan,
minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo'y batong hindi matitibag
matibay kong muog at Tagapagligtas.
Tugon: Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.
D'yos ko ang sa akin ay s'yang nag-iingat.
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa 'yo, Panginoon, ako'y tumatawag
sa mga kaaway ako'y 'yong iligtas.
Tugon: Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.
Panginoo'y buhay, siya'y Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat.
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D'yos sa kanyang hinirang.
Tugon: Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.
1 Tesalonica 1, 5k-10
Tinalikdan na ninyo ang mga diyus-diyusan upang maglingkod sa Diyos at maghintay sa kanyang Anak
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling - ito'y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Tinularan ninyo kami, at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita, at dahil dito'y nagdanas kayo ng katakut-takot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya't naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupat hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyusan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki'y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama't ako'y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 22, 34-40
Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Seduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: "Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?" Sumagot si Hesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.