Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-29 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Isaias 45, 1. 4-6
Pinaghari ng Panginoon si Ciro upang lupigin ang mga bansa.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Hinirang ng Panginoon si Ciro
para maging hari
upang lupigin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga
hari.
Ibubukas ng Panginoon
ang mga pintong-bayan para sa kanya.
Sinabi ng Panginoon kay Ciro:
"Tinawag nga kita
upang tulungan si Israel na lingkod,
ang bayan kong hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan
bagamat di mo ako kilala.
Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang
iba;
palalakasin kita,
bagamat ako'y di mo pa kilala.
Ginawa ko ito
upang ako ay makilala ng buong
daigdig,
na makikilala nila na ako ang
Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang
iba."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 95, 1 at 3. 4-5. 7-8. 9-10a at k
Purihin ang Panginoon, awitan ng
bagong awit;
Panginoo'y papurihan nitong lahat sa
daigdig!
Kahit saa'y ipahayag na Panginoo'y
dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang
gawa.
Tugon: Dakilang kapangyarihan ng Panginoo'y idangal.
Ang Poon ay tunay na dakila, marapat
na papurihan
Higit sa sinumang diyos, siya'y dapat
katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga
diyus-diyusan;
Ang Poon lang ang may likha ng buong
sangkalangitan.
Tugon: Dakilang kapangyarihan ng Panginoo'y idangal.
Ang Panginoo'y purihin ng lahat sa
daigdigan!
Purihin ang lakas niya at ang kanyang
kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan
niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't
maghandog ng mga alay.
Tugon: Dakilang kapangyarihan ng Panginoo'y idangal.
Kung ang Poon ay dumating, sa likas
n'yang kabanalan,
Humarap na nanginginig ang lahat sa
daigdigaan.
"Ang Poon ay siyang hari," sa daigdig
ay sabihin,
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa
paningin.
Tugon: Dakilang kapangyarihan ng Panginoo'y idangal.
1 Tesalonica 1, 1-5b
Ginugunita namin ang inyong pananampalataya, pag-ibig at pag-asa.
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo:
Sa simbahan sa Tesalonica - mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.
Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo'y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito'y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
Filipos 2, 15d. 16a
Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 22, 15-21
Ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-usapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad, kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, "Guro, nalalaman naming kayo'y tapat, at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?" Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya't sinabi niya, "Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis." At siya'y binigyan nila ng isang denaryo. "Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?" tanong ni Hesus. "Sa Cesar po," tugon nila. At sinabi niya sa kanila, "Kung ayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.