Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Isaias 25, 6-10a
Gagawa ang Panginoon ng piging at papahirin niya ang luha ng lahat.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa Bundok ng Sion,
aanyayahan ng Panginoon ang lahat
ng bansa,
gagawa siya ng isang piging para sa
lahat
na ang handa'y masasarap na pagkain
at inumin.
Sa bundok ding ito'y papawiin niya
ang kalungkutang
naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan na niyang papawiin ang
kamatayan,
papahirin ng Panginoon ang luha ng
lahat;
aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang
bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat:
"Siya ang ating Diyos na ating
pinagtitiwalaan,
ang inaasahan nating magliligtas sa
atin;
Magalak tayo at ipagdiwang ang
kanyang pagliligtas."
Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5, 6
Panginoo'y aking Pastol, hindi ako
magkukulang.
Ako'y pinahihimlay sa mainam na
pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na
batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong
kalakasan.
Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang
binitiwan
sa matuwid na landasi'y doon ako
inaakay.
Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa
karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika'y
kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay
ko at sanggalang.
Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may
handang dulang,
ito'y iyong ginagawang nakikita ng
kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay
langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong
pinaaapaw.
Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong
kabutihan,
sasaaki't tataglayin habang ako'y
nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at
mananahan.
Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Filipos 4, 12-14. 19-20
Lahat ay magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.
Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin.
At buhat sa kayamanan ng Diyos na hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D'yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa 'yo.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 22, 1-14
Anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, "Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, 'Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!' Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa'y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, 'Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya't pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.' Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama't mabuti, anupat napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
"Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. 'Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?' tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya't sinabi ng hari sa mga katulong, 'Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.' Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.