Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-24 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Sirak 27, 33 - 28, 9
Patawarin mo ang iyong kapwa sa kanyang pagkukulang, at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman.
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Ang poot at pagngingitngit ay dapat
ding kamuhian;
ngunit sa makasalanan, iyan ay
pangkaraniwan.
Natatandaan ng Panginoon ang
kasalanan ng bawat tao,
at mapaghiganti ay ang
paghihigantihan din niya.
Patawarin mo ang kapwa sa kanyang
pagkukulang,
at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos,
patatawarin ka rin naman.
Ang nagtatanim ng galit laban
sa kapwa,
pag tumawag sa Panginoon, walang
kakamtang awa.
Kung hindi ka nahahabag sa iyong
kapwa,
paano mong ihihingi ng tawad ang
iyong kasalanan?
Kung ikaw na tao lamang, ay
nagkikimkim ng galit,
sinong magpapatawad sa iyo sa mga
kasalanan mo?
Alalahanin mo ang iyong wakas at
pawiin mo ang iyong galit.
Isipin mo ang kamatayan at sundin
mo ang Kautusan.
Dili-dilihin mo ang Kautusan at huwag
kang magalit sa kapwa;
alalahanin mo ang Tipan ng Kataas-
taasan at matuto kang
magpatawad.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12
Panginoo'y papurihan, purihin mo,
kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa
tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay
papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang
kabutihan.
Tugon: Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang
nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot
niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay
inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't
habag.
Tugon: Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.
Banayad nga kung magalit, hindi siya
nagtatanim;
yaong tagfay niyang galit, hindi niya
kinikimkim,
kung siya ay magparusa, di katumbas ng
pagsuway
di na tayo sinisingil sa nagawang
kasalanan.
Tugon: Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.
Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y
hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may
takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano
ang distansya
gayung-gayon ang pagtingin sa sinumang
nagkasala.
Tugo'n: Ang ating mahabaging D'yos
ay nagmamagandang-loob.
Tugon: Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob.
Roma A 4, 7-9
Sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang. Kung tayo'y nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayo'y namamatay, namamatay tayo para sa Panginoon. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. Sapagkat si Kristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at mga buhay.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 18, 21-35
Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit nito.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit si Pedro kay Hesus at nagtanong sa kanya, "Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?" Sinagot siya ni Hesus, "Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang may utang na sampung milyong piso. Dahil sa siya'y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian, upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: 'Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.' Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.
"Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: 'Magbayad ka sa utang mo!' Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: 'Bigyan mo pa ako, ng panahon at babayaran kita.' Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito'y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila'y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya't ipinatawag siya ng hari. 'Ikawnapakasama mo!' sabi niya. 'Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?' At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayon din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.