Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-23 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Ezekiel 33, 7-9
Kapag hindi mo binabalaan ang masama, ppnanagutan mo ang kanyang kamatayan.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
"Ikaw, Tao, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binabalaan mo ang masama gayunma'y hindi rin nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 94, 8) 1-2. 6-7. 8-9
Tayo ay lumapit
sa 'ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati't kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
Siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Tugon: Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
Sa kanya'y sumamba at magbigay galang,
lumuhod sa harap
nitong Panginoong sa ati'y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Tugon: Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
"Iyang inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
Bagamat nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang."
Tugon: Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo s'yang salungatin.
Roma 13, 8-10
Pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa saguting tayo'y mag-ibigan; sapagkat ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan. Ang mga utos, gaya ng, "Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot," at ang alinmang utos na tulad ng mga ito ay nabubuo sa ganitong pangungusap," Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.
Ang Salita ng Diyos.
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya't napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 18, 15-20
Kapag nakînig ang iyong kinausap, napapanumbalik mo siya sa Ama.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: "Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.
"Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
"Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo dito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.