Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-2 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Isaias 49, 3. 5-6
Gagawin kitang Tanglaw ng mga bansa upang!ahat sa daigdig ay maligtas.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinabi sa akin ng Panginoon:
"Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
Ako'y dadakilain ng mga tao."
Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng
Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga
Israelita,
at sila'y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
"Israel na aking lingkod,
may mas mahalaga pa akong ipagagawa
sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas."
Ang Salita ng Diyos.
salmo 39, 2 at 4ab. 7-8a. 8b-9. jo
Ako ay naghintay sa 'king Panginoon,
at dininig niya ang aking pagtaghoy;
tinuruan niya ako pagkatapos
ng bagong awiting pampuri sa Diyos.
Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang mga paghahandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala'y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ikaw'y dinggin.
Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, "Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral."
Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo'y aking inihayag
saanman magtipon ang 'yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
1 Corinto 1, 1-3
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Ang pasimula ng unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mula kay Pablo na tinawag ng Diyos upang maging apostol ni Kristo Hesus, at mula sa ating kapatid na Sostenes — Sa Simbahang nasa Corinto — sa mga hinirang ng Diyos upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Kristo Hesus — kasama ng mga hinirang sa lahat ng dako, na tumatawag sa pangalan ng Panginoong Hesukristo, ang Panginoon nating lahat: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
Juan 1, 14a. 12a
Aleluya! Aleluya!
Naging anak ng D'yos tayo
sa Salitang naging tao
na nanirahan sa mundo.
Aleluya! Aleluya!
Juan 1, 29-34
-Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nakita ni Juan si Hesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, "Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong dumarating na kasunod ko ang isang higit sa akin, sapagkat siya'y siya na bago pa ako ipanganak. Hindi ko rin siya lubos na nakikilala noon, bagamat ako'y naparitong nagbibinyag sa tubig upang ipakilala siya sa Israel."
Ito ang patotoo ni Juan, "Nakita ko ang Espiritung bumababa buhat sa langit, gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya lubos na nakikilala noon, ngunit ang nagsugo sa akin upang magbinyag sa tubig ang nagsabi sa akin, 'Makikita mo ang Espiritu na bababa at mananatili sa isang tao - siya ang magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.' Nakita ko ito, at pinatototohanan kong siya ang Anak ng Diyos."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.