Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKA-10 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - TAON A
Oseas 6, 3-6
Katapatan ang naisat hindi hain.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
"Halikayo, sikapin nating makilala ang Panginoon; tiyak na tutugunin tayo sa ating panawagan. Sintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala, tulad ng patak ng ulan na dumidilig sa kaparangan.
Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga, gaya ng hamog na dagling napapawi. Kaya nga, ipahahampas ko kayo sa aking mga propeta, lilipulin ko kayo sa pamamagitan ng aking mga salita, at simbilis ng kidlat ang pagkatupad ng aking hatol. Sapagkat katapatan ang nais ko at hindi hain, at pagkakilala sa Diyos sa halip ng handog na susunugin."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 49, 1 at 8. 12-13. 14-15
Ang dakilang Panginoon, ang Diyos na
nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at
kanluran.
"Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong
handog,
ni sa inyong mga hain sa dambana'y
sinusunog.
Tugon: Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n iyang lubos.
"Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na
sasabihin,
yamang lahat sa daigdig na narito'y
pawang akin.
Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking
pagkain?
At iyon bang inumin ko ay dugo ng mga
kambing?"
Tugon: Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n iyang lubos.
"Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang
inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin
ninyong lahat.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi
ang tawagin;
kayo'y aking ililigtas, ako'y inyong
pupurihin."
Tugon: Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n iyang lubos.
Roma 4, 18-25
Lalong tumibay sa pananalig si Abraham habang pinupuri niya ang Diyos.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Bagamat wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, "Kasindami ng bituin ang magiging lahi mo." Mag-iisandaang taon siya noon at uugud-ugod na; ang asawa naman niyang si Sara ay baog. Gayunman, hindi nanghina ang kanyang pananalig. Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos, kundi lalo siyang tumibay sa pananalig at pinuri niya ang Diyos. Lubos siyang nanalig na matutupad ng Diyos ang kanyang pangako. Kaya't dahil sa kanyang pananalig, siya'y pinawalang-sala. Ngunit ang salitang "pinawalang-sala," ay hindi lamang para sa kanya, kundi para rin sa atin. Tayo'y pinawalang-sala dahil sa ating pananalig sa Diyos na muling bumuhay kay Hesus na Panginoon natin. Ipinapatay siya dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo'y mapawalang-sala.
Ang Salita ng Diyos.
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Maykapal
sa Mesiyas nananahan
upang dukha'y balitaan.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 9, 9-13
Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis si Hesus at sa kanyang paglakad, nakita niya ang isang taong ang pangala'y Mateo; nakaupo ito sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, "Sumunod ka sa akin." Tumindig si Mateo at sumunod sa kanya. Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming publikano at mga makasalanan. At sila'y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, "Bakit sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan ang inyong guro?" Narinig ito ni Hesus at siya ang sumagot, "Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga walang sakit. Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito, 'Habag ang ibig ko at hindi hain.' Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.