Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKAAPAT LINGGO NG KUWARESMA - TAON A
Samuel 16, lb. 6-7. 10-13a
Si David ay hinirang para maging hari ng Israel.
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Samuel, "Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak"
Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarlli, Ito " si guro ang hinirang ng Panginoon para maging hari."
Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, "Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko."
Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila ang Panginoon. Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, "Wala ka na bang anak kundi "Mayroon pang isa; 'yang pinakabata, at pastol ng aking mga tupa," sagot ni Jesse.
Sinabi ni Samuel, "Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating." At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata.
At sinabi ng Panginoon kay Samuel, "Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis." Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5.6
Panginoo'y aking Pastol, hindi ako
magkukulang.
Ako'y pinahihimlay sa mainam na
pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na
batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong
kalakasan.
Tugon: Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang
binitiwan
sa matuwid na landasi'y doon ako
inaakay.
Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa
karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika'y
kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay
ko at sanggalang.
Tugon: Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may
handang dulang,
ito'y iyong ginagawang nakikita ng
kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay
langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong
pinaaapaw.
Tugon: Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong
kabutihan,
sasaaki't tataglayin habang ako'y
nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at
mananahan.
Tugon: Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop.
Efeso 5, 8-14
Magbangon ka mula sa mga patay si Kristo ang sa'yo'y tatanglaw.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo'y nasa liwanag sapagkat kayo'y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa liwanag ay pawang mabuti, matuwid at totoo. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibubungang kabutihan — mga bagay na dulot ng kadiliman. Sa halip ay ilantad ninyo sila at ang kanilang mga gawa. Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad ay naliliwanagan, at ang naliwanagan ay nagiging liwanag. Kaya't sinasabi,
"Gumising ka, ikaw na natutulog,
magbangon ka mula sa mga patay,
at liliwanagan ka ni Kristo."
Ang Salita ng Diyos.
Juan 8, 12
Ang sabi ng Poong mahal,
"Sa daigdig ako'y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki'y mabubuhay."
Juan 9, 1-41
Siya'y humayo, naghugas at nagbalik na nakakakita na.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, "Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya o ang kanyang mga magulang?" Sumagot si Hesus, "Ipinanganak na bulag ang lalaking ito, hindi dahil sa nagkasala siya o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos. Dapat nating gawin ang mga ipinagagawa ng nagsugo sa akin samantalang araw pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa. Habang ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan." Pagkasabi nito, si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, "Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe." (Ang kahulugan nito'y Sinugo.) "Maghilamos ka roon." Gayun nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakikita na.
Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, "Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?" Sumagot ang ilan, "Iyan nga!" "Hindi! Kamukha lang," wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, "Ako nga po iyon. Paano kang nakakita?" tanong nila. Sumagot siya, "Ang lalaking tinatawag na Hesus ay gumawa ng putik at ipinahid sa aking mga mata. Pagkatapos, sinabi sa akin, 'Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.' Kaya't pumaroon ako at naghilamos, at nakakita na ako." "Nasaan siya?" tanong nila sa kanya. "Ewan ko po," sagot niya.
Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, "Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo'y nakakikita na ako." Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, "Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga." Ngunit sinabi naman ng iba, "Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?" At hindi sila magkaisa ng palagay.
Kaya't tinanong nila uli ang dating bulag, "Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?" "Siya'y isang propeta!" sagot niya. Ayaw maniwala ang mga Judio na siya'y dating bulag, kaya't ipinatawag nila ang mga magulang ng taong iyon. At tinanong sila, "Anak ba ninyo ito? Talaga bang siya'y ipinanganak na bulag? Bakit nakakikita na siya ngayon?" Sumagot ang kanyang mga magulang, "Alam po naming siya ang aming anak, at siya'y ipinanganak na bulag. Ngunit hindi namin alam kung bakit nakakikita na siya ngayon, o kung sino ang nagpadilat sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Siya'y may sapat na gulang na at makapagsasabi ng tungkol sa kanyang sarili!" Ganito ang sabi ng kanyang mga magulang dahil sa takot sa mga Judio, sapagkat pinagkaisahan ng mga Judio na itiwalag sa sinagoga ang sinumang magpahayag na si Hesus ang Mesiyas. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, "Siya'y may sapat na gulang na; siya po ang tanungin ninyo."
Kaya't muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, "Sabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon." "Hindi ko po alam kung siya'y makasalanan o hindi," tugon niya. "Isang bagay ang alam ko: dati akong bulag ngunit ngayo'y nakakikita na." "Ano ang ginawa niya sa iyo?" tanong nila. "Paano niya pinadilat ang iyong mga mata?" Sumagot siya, "Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw ninyong pakinggan. Ano't ibig ninyong marinig uli? Ibig din ba ninyong maging alagad niya?" At siya'y inalipusta nila. "Ikaw ang alagad niya," sabi nila. "Ngunit kami'y mga alagad ni Moises. Nalalaman naming nagsalita ang Diyos kay Moises; ngunit ang taong iyon — ni hindi namin alam kung saan nanggaling!" Sumagot ang lalaki, "Iyan nga po ang kataka-taka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayung pinadilat niya ang mga mata ko. Alam nating hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinakikinggan niya ang mga tunay na sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. Buhat sa pasimula ng sanlibutan ay wala pang nakapagpapadilat ng mata ng taong ipinanganak na bulag. Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya'y hindi mula sa Diyos!" Sumagot sila, "Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?" At siya'y itiniwalag nila.
Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, "Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?" Sumagot ang lalaki, "Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako'y manampalataya sa kanya." "Siya'y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo," ani Hesus. "Sumasampalataya po ako, Panginoon!" sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus.
Sinabi pa ni Hesus, "Isang kahatulan sa saniibutan ang pagparito ko, upang makakita ang mga bulag at mabulag ang mga nakakikita." Narinig ito ng ilang Pariseong malapit sa kanya at siya'y tinanong, "Ibig mo bang sabihi'y bulag din kami?" Sumagot si Hesus, "Kung kayo'y bulag, wala sana kayong kasalanan. Ngunit sinasabi ninyong nakakikita kayo, kaya't nananatili ang inyong mga kasalanan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.