Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON - MISA SA PAGBUBUKANG-LIWAYWAY
Isaias 62, 11-12
Dumating na ang kaligtasan.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa buong daigdig, ipinasabi ng
Panginoon:
"Ibalita sa mga taga-Jerusalem,
na darating ang Panginoon para sila
ay iligtas.
Kasama niya ang lahat ng
kanyang iniligtas."
Ika'y tatawaging "Bayang Banal ng
Diyos,"
'Bayang iniligtas ng Panginoon.'
Ang Jerusalem ay tatawaging
"Lungsod na mahal ng Diyos,"
"Lungsod na Hindi Itinakwil ng
Diyos."
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 96, 1 at 6. 11-12
Ang Poon ay maghahari, magalak ang
kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at
magdiwang!
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang
katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang
kadakilaan.
Tugon: Sumilang ang Panginoon, liwanag sa atin ngayon.
Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang
liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari'y
kagalakan.
Ang matuwid ang gawain ay galak ang
masusumpong,
sa maraming kabutihang ginawa ng
Panginoon;
ang ginawa niyang ito'y dapat nating
gunitain,
at sa Poon ay iukol ang papuring walang
maliw!
Tugon: Sumilang ang Panginoon, liwanag sa atin ngayon.
Tito 3, 4-7
Dahil sa habag ng Diyos tayo'y kanyang tinubos.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Pinakamamahal kong kapatid:
Noong mahayag ang kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, tayo'y iniligtas niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi sa kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo, ibinuhos sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang tayo'y pabanalin ng kanyang pag-ibig at kamtan natin ang buhay na ating inaasahan.
Ang Salita ng Diyos.
Lucas 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Purihin sa kalangitan
D'yos na kataas-taasan,
sa ati'y kapayapaan!
Aleluya! Aleluya!
Lucas 2, 15-20
Nakita nga ng mga pastol sina Maria at Jose, at ang sanggol.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong makaalis na ang mga anghel, pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, "Tayo na sa Betlehem! Tingnan natin itong ibinalita sa atin ng Panginoon." At nagmamadali silang lumakad, at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Kaya't isinaysay nila ang mga sinabi ng anghel tungkol sa sanggol na ito; at nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita na ayon sa ibinalita sa kanila ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.