Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.
IKALAWANG LINGGO SA PANAHON NG PAGDATING NG PANGINOON - TAON A
Isaias 11, 1-10
Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha.
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa araw na iyon:
Sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang
hari, tulad ng supling mula sa isang
tuod.
Mananahan sa kanya ang espiritu ng
Panginoon,
bibigyan siya ng katalinuhan at
pagkaunawa,
ng kaalaman at kapangyarihan, ng
karunungan at takot sa Panginoon.
Kagalakan niya ang tumalima sa
Panginoon.
Hindi siya hahatol ayon sa nakikita
o batay sa narinig sa iba.
Bibigyan niya ng katarungan ang mga
dukha,
ipagtatanggol ang karapatan ng mga
kawawa.
Ang salita niya'y parang tungkod na
ipapalo sa malulupit.
Ang hatol niya'y kamatayan sa
masasama.
Katarungan at katapatan ang paiiralin
niya sa kanyang pamamahala.
Maninirahan ang asong-gubat sa
piling ng kordero,
Matutulog ang leopardo sa tabi ng
batang kambing,
magsasama ang guya at ang batang
leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y batang
paslit.
Ang baka at ang oso'y magkasamang
manginginain,
ang mga anak nila'y magkakatabing
matutulog,
kakain ng damo ang leon na animo'y
toro.
Maglalaro ang batang pasusuhin sa
tabi ng lungga ng ahas,
hindi maaano ang bata kahit laruin ang
ulupong.
Walang mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng banal na bundok;
sapagkat kung paanong puno ng tubig
ang karagatan,
Laganap sa buong lupain ang pagkilala
sa Panginoon.
Sa araw na iyon, isisilang ang hari
mula sa lahi ni Jesse,
ang magiging palatandaan para sa mga
bansa.
Ang mga baya'y tutungo sa banal na
lungsod upang parangalan siya,
at magiging maningning ang kanyang
luklukan.
Ang Salita ng Diyos.
Salmo 71, 2. 7-8. 12-13. 17
Turuan mo yaong haring humatol ng
katuwiran,
sa taglay mong katarungant O Diyos,
siya'y bahaginan;
upang siya'y maging tapat mamahala sa
'yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang
tunay.
Tugon: Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kaylanman.
Yaong buhay na mat'wid sa kanyang
kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad
habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang
palawak,
mula sa ilog Eufrates, sa daigdig ay
kakalat.
Tugon: Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kaylanman.
Kanya namang ililigtas ang sinumang
tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong
mahihirap;
sa ganitong mga tao siya'y lubhang
nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay
maligtas.
Tugon: Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kaylanman.
Nawa yaong kanyang ngalan ay h'wag
nang malimutan,
manatiling laging bantog na katulad
nitong araw;
nawa siya ay purihin ng lahat ng mga
bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumalanging:
"Harinawa pagpalain kaming lahat, tulad
niyang pinagpala."
Tugon: Mabubuhay S'yang marangal at sasagana kaylanman.
Roma 15, 4-9
Iniligtas ni Hesus ang lahat ng tao.
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito. Loobin nawa ng Diyos na nagpapatatag at nagpapalakas ng loob, na mamuhay kayong may pagkakaisa kay Kristo Hesus. Sa gayun, sama-sama kayong magpuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo.
Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Kristo, gayun din ang gawin ninyo sa isa't isa upang maparangalan ninyo ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo: si Kristo'y naging lingkod ng mga Judio upang ipakilala na tapat ang Diyos at tinutupad ang mga pangako niya sa mga patriyarka, at ang mga Hentil nama'y magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Ayon sa sinasabi ng Kasulatan, "Kaya't papupurihan kita sa harapan ng mga Hentil, at aawitan ko ang iyong pangalan."
Ang Salita ng Diyos.
Lucas 3, 4. 6
Aleluya! Aleluya!
Daan ng Poong nar'yan na
t'wiri't ihanda sa kanya.
Pagtubos n'ya'y makikita.
Aleluya! Aleluya!
Mateo 3, 1-12
Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan, malapit nang maghari ang Diyos.
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, si Juan Bautista'y dumating sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Sinabi niya, "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!" Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito,
"Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!"
Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai'y balang at pulot-pukyutan. At pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea, at mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at sila'y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.
Ngunit nang makita niyang marami sa mga Pariseo at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanila, "Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa parusang darating? Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo'y nagsisisi. At huwag ninyong ipangahas na kayo'y anak ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punungkahoy; ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy. Binibinyagan ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo't pagtalikod sa inyong mga kasalanan; ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya'y makapangyarihan kaysa akin, hindi ako karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo, ngunit ang ipa'y susunugin sa apoy na di mamamatay kalianman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Save this lectionary as a PDF - the full readings, from the first reading to the Gospel.